I MGA HARI 12
12
Si Rehoboam ay Naghari
(2 Cro. 10:1-19)
1Si Rehoboam ay nagtungo sa Shekem, sapagkat ang buong Israel ay nagtungo sa Shekem upang gawin siyang hari.
2Nang mabalitaan iyon ni Jeroboam na anak ni Nebat (sapagkat siya'y nasa Ehipto pa, na doon siya'y tumakas mula sa harapan ni Haring Solomon), siya ay bumalik mula sa Ehipto.
3Sila'y nagsugo at kanilang ipinatawag siya. Si Jeroboam at ang buong kapulungan ng Israel ay dumating, at nagsabi kay Rehoboam,
4“Pinabigat ng iyong ama ang pasanin namin. Ngayon ay pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod sa iyong ama, at ang mabigat niyang pamatok na iniatang niya sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.”
5At sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo, at pagkaraan ng tatlong araw ay bumalik kayo sa akin.” Umalis nga ang taong-bayan.
6Pagkatapos si Haring Rehoboam ay humingi ng payo sa matatandang lalaki na tumayo sa harap ni Solomon na kanyang ama samantalang siya'y nabubuhay pa, na sinasabi, “Anong payo ang maibibigay ninyo sa akin, upang isagot sa bayang ito?”
7At sinabi nila sa kanya, “Kung ikaw ay magiging lingkod sa bayang ito sa araw na ito at maglilingkod sa kanila, at magsasabi ng mabubuting salita kapag sinasagot mo sila, ay magiging mga lingkod mo nga sila magpakailanman.”
8Ngunit tinalikuran niya ang payo ng matatanda na kanilang ibinigay sa kanya, at humingi ng payo sa mga kabataang lalaking nagsilaking kasama niya na tumayo sa harap niya.
9At sinabi niya sa kanila, “Anong maipapayo ninyo na dapat nating isagot sa bayang ito, na nagsabi sa akin, ‘Pagaanin mo ang pasanin na iniatang ng iyong ama sa amin’?”
10Ang kanyang mga kababata ay nagsabi sa kanya, “Ganito ang iyong sasabihin sa bayang ito na nagsabi sa iyo, ‘Pinabigat ng iyong ama ang pasanin namin, ngunit pagaanin mo sa amin.’ Ganito ang iyong sasabihin sa kanila, ‘Ang aking kalingkingan ay mas makapal kaysa mga balakang ng aking ama.
11At yaman ngang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na pasanin, ay aking dadagdagan pa ang pasanin ninyo. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo; ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.’”
12Kaya't naparoon si Jeroboam at ang buong bayan kay Rehoboam sa ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari, “Bumalik kayo sa akin sa ikatlong araw.”
13Mabagsik na sinagot ng hari ang mga tao at tinalikuran ang payo na ibinigay sa kanya ng matatanda.
14At nagsalita siya sa kanila ayon sa payo ng mga kabataan na nagsasabi, “Pinabigat ng aking ama ang inyong pasanin, ngunit pabibigatan ko pa ang inyong pasanin. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.”
15Sa gayo'y hindi dininig ng hari ang bayan sapagkat iyon ay pinapangyari ng Panginoon upang kanyang matupad ang kanyang salita na sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Ahias na Shilonita kay Jeroboam na anak ni Nebat.
Naghimagsik ang Israel
16Nang#2 Sam. 20:1 makita ng buong Israel na hindi sila dininig ng hari, sumagot ang bayan sa hari, na nagsasabi, “Anong bahagi mayroon kami kay David? Wala kaming mana sa anak ni Jesse. Sa iyong mga tolda, O Israel! Ngayon ikaw na ang bahala sa iyong sariling sambahayan, David.” Sa gayo'y humayo ang Israel sa kanya-kanyang tolda.
17Ngunit si Rehoboam ay naghari sa mga anak ni Israel na naninirahan sa mga lunsod ng Juda.
18Nang magkagayo'y sinugo ni Haring Rehoboam si Adoram na tagapangasiwa sa sapilitang paggawa, at siya'y binato ng buong Israel, hanggang siya'y mamatay. At nagmadali si Haring Rehoboam na sumakay sa kanyang karwahe upang tumakas patungo sa Jerusalem.
19Gayon naghimagsik ang Israel laban sa sambahayan ni David, hanggang sa araw na ito.
20Nang mabalitaan ng buong Israel na si Jeroboam ay bumalik na, sila'y nagsugo at ipinatawag siya sa kapulungan, at ginawa siyang hari sa buong Israel. Walang sumunod sa sambahayan ni David kundi ang lipi ni Juda lamang.
21Nang dumating si Rehoboam sa Jerusalem, kanyang tinipon ang buong sambahayan ng Juda at ang lipi ni Benjamin na binubuo ng isandaan at walumpung libong piling lalaking mandirigma upang lumaban sa sambahayan ng Israel at ibalik ang kaharian kay Rehoboam na anak ni Solomon.
22Ngunit ang salita ng Diyos ay dumating kay Shemaya na tao ng Diyos, na nagsasabi,
23“Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon, na hari sa Juda, at sa buong sambahayan ng Juda, ng Benjamin, at sa nalabi sa bayan, na nagsasabi,
24‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kayong aahon o makikipaglaban sa inyong mga kapatid na mga anak ni Israel. Bumalik ang bawat isa sa kanyang bahay, sapagkat ang bagay na ito ay mula sa akin.’” Sa gayo'y kanilang dininig ang salita ng Panginoon, at sila'y umuwi, ayon sa salita ng Panginoon.
Si Jeroboam ay Naghari
25Itinayo ni Jeroboam ang Shekem sa lupaing maburol ng Efraim, at nanirahan doon; at siya'y umalis roon at itinayo ang Penuel.
26At sinabi ni Jeroboam sa kanyang sarili, “Ngayo'y maibabalik ang kaharian sa sambahayan ni David,
27kapag ang bayang ito ay umahon upang maghandog ng mga alay sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, ang puso ng bayang ito'y babalik sa kanilang panginoon, samakatuwid ay kay Rehoboam na hari sa Juda. Ako'y papatayin nila at babalik sila kay Rehoboam na hari ng Juda.”
28Kaya't#Exo. 32:4 ang hari ay humingi ng payo at gumawa ng dalawang guyang ginto. Sinabi niya sa kanila, “Kalabisan na sa inyo ang pumunta pa sa Jerusalem. Masdan mo O Israel, ang iyong mga diyos na nagdala sa inyo mula sa lupain ng Ehipto.”
29Inilagay niya ang isa sa Bethel at ang isa'y sa Dan.
30Ang bagay na ito ay naging kasalanan sapagkat ang bayan ay umahon upang sumamba sa harap ng nasa Bethel at nagtungo rin sila sa Dan.
31Gumawa rin siya ng mga bahay sa matataas na dako, at nagtalaga ng mga pari mula sa taong-bayan na hindi kabilang sa mga anak ni Levi.
32Si#Lev. 23:33, 34 Jeroboam ay nagtakda ng isang kapistahan sa ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan, gaya ng kapistahan sa Juda, at siya'y naghandog sa ibabaw ng dambana. Gayon ang ginawa niya sa Bethel, na kanyang hinahandugan ang mga guya na kanyang ginawa. At kanyang inilagay sa Bethel ang mga pari ng matataas na dako na kanyang ginawa.
33Siya'y umakyat sa dambana na kanyang ginawa sa Bethel nang ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan, sa buwan na binalak ng kanyang sariling puso. Nagtakda siya ng isang kapistahan sa mga anak ni Israel at umakyat sa dambana upang magsunog ng insenso.
Kasalukuyang Napili:
I MGA HARI 12: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001