Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA HARI 10:1-8

I MGA HARI 10:1-8 ABTAG01

Nang mabalitaan ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon tungkol sa pangalan ng PANGINOON, pumunta siya upang kanyang subukin siya ng mahihirap na tanong. Siya'y pumunta sa Jerusalem na may napakaraming alalay, may mga kamelyo na may pasang mga pabango at napakaraming ginto at mamahaling bato; at nang siya'y dumating kay Solomon ay kanyang sinabi sa kanya ang lahat ng laman ng kanyang isipan. Sinagot ni Solomon ang lahat ng kanyang mga tanong; walang bagay na lihim sa hari na hindi niya ipinaliwanag sa kanya. Nang makita ng reyna ng Seba ang lahat ng karunungan ni Solomon, at ang bahay na kanyang itinayo, at ang pagkain sa kanyang hapag, ang pagkakaayos ng kanyang mga lingkod, ang paglilingkod ng kanyang mga tagapangasiwa, ang kanilang mga pananamit, ang kanyang mga tagahawak ng saro, ang kanyang mga handog na sinusunog na kanyang inialay sa bahay ng PANGINOON, ay nawalan na siya ng diwa. At sinabi niya sa hari, “Totoo ang balita na aking narinig sa aking sariling lupain tungkol sa iyong mga kalagayan at karunungan. Gayunma'y hindi ko pinaniwalaan ang mga balita hanggang sa ako'y dumating, at nakita ng aking mga mata. Wala pang kalahati ang nasabi sa akin; ang iyong karunungan at kasaganaan ay higit kaysa ulat na aking narinig. Mapapalad ang iyong mga tauhan, mapapalad ang iyong mga lingkod na ito na patuloy na nakatayo sa harapan mo, at nakakarinig ng iyong karunungan.