I MGA HARI 10
10
Dumalaw ang Reyna ng Seba
(2 Cro. 9:1-12)
1Nang#Mt. 12:42; Lu. 11:31 mabalitaan ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon tungkol sa pangalan ng Panginoon, pumunta siya upang kanyang subukin siya ng mahihirap na tanong.
2Siya'y pumunta sa Jerusalem na may napakaraming alalay, may mga kamelyo na may pasang mga pabango at napakaraming ginto at mamahaling bato; at nang siya'y dumating kay Solomon ay kanyang sinabi sa kanya ang lahat ng laman ng kanyang isipan.
3Sinagot ni Solomon ang lahat ng kanyang mga tanong; walang bagay na lihim sa hari na hindi niya ipinaliwanag sa kanya.
4Nang makita ng reyna ng Seba ang lahat ng karunungan ni Solomon, at ang bahay na kanyang itinayo,
5at ang pagkain sa kanyang hapag, ang pagkakaayos ng kanyang mga lingkod, ang paglilingkod ng kanyang mga tagapangasiwa, ang kanilang mga pananamit, ang kanyang mga tagahawak ng saro, ang kanyang mga handog na sinusunog na kanyang inialay sa bahay ng Panginoon, ay nawalan na siya ng diwa.
6At sinabi niya sa hari, “Totoo ang balita na aking narinig sa aking sariling lupain tungkol sa iyong mga kalagayan at karunungan.
7Gayunma'y hindi ko pinaniwalaan ang mga balita hanggang sa ako'y dumating, at nakita ng aking mga mata. Wala pang kalahati ang nasabi sa akin; ang iyong karunungan at kasaganaan ay higit kaysa ulat na aking narinig.
8Mapapalad ang iyong mga tauhan, mapapalad ang iyong mga lingkod na ito na patuloy na nakatayo sa harapan mo, at nakakarinig ng iyong karunungan.
9Purihin ang Panginoon mong Diyos na nalulugod sa iyo, at naglagay sa iyo sa trono ng Israel. Sapagkat minamahal ng Panginoon ang Israel magpakailanman, ginawa ka niyang hari upang maglapat ng katarungan at katuwiran.”
10Siya'y nagbigay sa hari ng isandaan at dalawampung talentong ginto, napakaraming mga pabango at mamahaling bato. Kailanma'y hindi muling nagkaroon ng gayong kasaganaan ng mga pabango, gaya ng mga ito na ibinigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.
11Ang mga sasakyang dagat naman ni Hiram na nagsipagdala ng ginto mula sa Ofir, ay nagsipagdala ng napakaraming kahoy na almug at mamahaling bato mula sa Ofir.
12Ginawa ng hari ang mga kahoy na almug na mga haligi sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari; at ginawa ring mga lira at mga alpa para sa mga mang-aawit; kailanma'y hindi dumating o nakita man ang mga gayong kahoy na almug hanggang sa araw na ito.
13At si Haring Solomon ay nagbigay sa reyna ng Seba ng lahat niyang naibigan, at lahat niyang hiningi, bukod doon sa ibinigay ni Solomon sa kanya na kaloob ng hari. Sa gayo'y bumalik siya at ang kanyang mga lingkod sa kanyang sariling lupain.
Ang Kayamanan at Katanyagan ni Solomon
(2 Cro. 9:13-29)
14Ang timbang ng ginto na dumating kay Solomon sa isang taon ay animnaraan at animnapu't anim na talentong ginto,
15bukod doon sa nagmula sa mga nakikipagpalitan at sa kalakal ng mga mangangalakal, at mula sa lahat ng hari ng Arabia at mga gobernador ng lupain.
16Si Haring Solomon ay gumawa ng dalawang daang malalaking kalasag ng pinitpit na ginto; animnaraang siklong ginto ang ginamit sa bawat kalasag.
17At siya'y gumawa pa ng tatlong daang kalasag na pinitpit na ginto; tatlong librang ginto ang ginamit sa bawat kalasag, at inilagay ito ng hari sa Bahay ng Gubat ng Lebanon.
18Bukod dito'y gumawa ang hari ng isang malaking tronong garing,#10:18 Bahagi ng elepante na matulis at maputi. at binalot iyon ng pinakamataas na uring ginto.
19May anim na baytang sa trono, at sa likod ng trono ay may ulo ng guya at may mga patungan ng kamay sa bawat tagiliran ng upuan, at may dalawang leon na nakatayo sa tabi ng mga patungan ng kamay,
20at may labindalawang leon na nakatayo roon, isa sa magkabilang dulo ng anim na baytang. Walang nagawang tulad niyon sa alinmang kaharian.
21At ang lahat ng sisidlang inuman ni Haring Solomon ay yari sa ginto, at ang lahat ng sisidlan sa Bahay ng Gubat ng Lebanon ay lantay na ginto; walang yari sa pilak sapagkat hindi mahalaga iyon sa mga araw ni Solomon.
22Sapagkat ang hari ay may mga sasakyang pandagat na yari sa Tarsis na kasama ng mga sasakyang dagat ni Hiram. Minsan sa bawat tatlong taon ay dumarating ang mga sasakyang dagat na yari sa Tarsis na nagdadala ng ginto, pilak, garing, mga unggoy, at mga pabo real.#10:22 o baboon.
23Sa gayo'y si Haring Solomon ay nakakahigit sa lahat ng mga hari sa daigdig sa kayamanan at karunungan.
24Nais ng buong daigdig na makaharap si Solomon upang makinig sa kanyang karunungan na inilagay ng Diyos sa kanyang puso.
25Bawat isa sa kanila ay nagdala ng kanya-kanyang kaloob, mga kagamitang pilak at ginto, mga damit, mga sandata, mga pabango, mga kabayo, at mga mola, na napakarami taun-taon.
Ang mga Karwahe at mga Kabayo ni Solomon
26Nagtipon#1 Ha. 4:26 si Solomon ng mga karwahe at ng mga mangangabayo; siya'y may isang libo't apatnaraang karwahe at labindalawang libong mangangabayo na kanyang inilagay sa mga lunsod para sa mga karwahe, at mayroon ding kasama ng hari sa Jerusalem.
27Ginawa#Deut. 17:17 ng hari na karaniwan ang pilak sa Jerusalem na tulad ng bato, at ang mga sedro ay ginawa niyang kasindami ng mga puno ng sikomoro ng Shefela.
28Ang#Deut. 17:16 mga kabayo na pag-aari ni Solomon ay inangkat pa sa Ehipto at Kue; at ang mga mangangalakal ng hari ay bumibili ng mga iyon mula sa Kue sa takdang halaga.
29Ang isang karwahe ay maaangkat sa Ehipto sa halagang animnaraang siklong pilak, at ang isang kabayo ay isandaan at limampu, at sa gayong paraan ay kanilang iniluwas sa lahat ng hari ng mga Heteo, at sa mga hari ng Siria.
Kasalukuyang Napili:
I MGA HARI 10: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001