Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA HARI 10:1-22

I MGA HARI 10:1-22 ABTAG01

Nang mabalitaan ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon tungkol sa pangalan ng PANGINOON, pumunta siya upang kanyang subukin siya ng mahihirap na tanong. Siya'y pumunta sa Jerusalem na may napakaraming alalay, may mga kamelyo na may pasang mga pabango at napakaraming ginto at mamahaling bato; at nang siya'y dumating kay Solomon ay kanyang sinabi sa kanya ang lahat ng laman ng kanyang isipan. Sinagot ni Solomon ang lahat ng kanyang mga tanong; walang bagay na lihim sa hari na hindi niya ipinaliwanag sa kanya. Nang makita ng reyna ng Seba ang lahat ng karunungan ni Solomon, at ang bahay na kanyang itinayo, at ang pagkain sa kanyang hapag, ang pagkakaayos ng kanyang mga lingkod, ang paglilingkod ng kanyang mga tagapangasiwa, ang kanilang mga pananamit, ang kanyang mga tagahawak ng saro, ang kanyang mga handog na sinusunog na kanyang inialay sa bahay ng PANGINOON, ay nawalan na siya ng diwa. At sinabi niya sa hari, “Totoo ang balita na aking narinig sa aking sariling lupain tungkol sa iyong mga kalagayan at karunungan. Gayunma'y hindi ko pinaniwalaan ang mga balita hanggang sa ako'y dumating, at nakita ng aking mga mata. Wala pang kalahati ang nasabi sa akin; ang iyong karunungan at kasaganaan ay higit kaysa ulat na aking narinig. Mapapalad ang iyong mga tauhan, mapapalad ang iyong mga lingkod na ito na patuloy na nakatayo sa harapan mo, at nakakarinig ng iyong karunungan. Purihin ang PANGINOON mong Diyos na nalulugod sa iyo, at naglagay sa iyo sa trono ng Israel. Sapagkat minamahal ng PANGINOON ang Israel magpakailanman, ginawa ka niyang hari upang maglapat ng katarungan at katuwiran.” Siya'y nagbigay sa hari ng isandaan at dalawampung talentong ginto, napakaraming mga pabango at mamahaling bato. Kailanma'y hindi muling nagkaroon ng gayong kasaganaan ng mga pabango, gaya ng mga ito na ibinigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon. Ang mga sasakyang dagat naman ni Hiram na nagsipagdala ng ginto mula sa Ofir, ay nagsipagdala ng napakaraming kahoy na almug at mamahaling bato mula sa Ofir. Ginawa ng hari ang mga kahoy na almug na mga haligi sa bahay ng PANGINOON, at sa bahay ng hari; at ginawa ring mga lira at mga alpa para sa mga mang-aawit; kailanma'y hindi dumating o nakita man ang mga gayong kahoy na almug hanggang sa araw na ito. At si Haring Solomon ay nagbigay sa reyna ng Seba ng lahat niyang naibigan, at lahat niyang hiningi, bukod doon sa ibinigay ni Solomon sa kanya na kaloob ng hari. Sa gayo'y bumalik siya at ang kanyang mga lingkod sa kanyang sariling lupain. Ang timbang ng ginto na dumating kay Solomon sa isang taon ay animnaraan at animnapu't anim na talentong ginto, bukod doon sa nagmula sa mga nakikipagpalitan at sa kalakal ng mga mangangalakal, at mula sa lahat ng hari ng Arabia at mga gobernador ng lupain. Si Haring Solomon ay gumawa ng dalawang daang malalaking kalasag ng pinitpit na ginto; animnaraang siklong ginto ang ginamit sa bawat kalasag. At siya'y gumawa pa ng tatlong daang kalasag na pinitpit na ginto; tatlong librang ginto ang ginamit sa bawat kalasag, at inilagay ito ng hari sa Bahay ng Gubat ng Lebanon. Bukod dito'y gumawa ang hari ng isang malaking tronong garing, at binalot iyon ng pinakamataas na uring ginto. May anim na baytang sa trono, at sa likod ng trono ay may ulo ng guya at may mga patungan ng kamay sa bawat tagiliran ng upuan, at may dalawang leon na nakatayo sa tabi ng mga patungan ng kamay, at may labindalawang leon na nakatayo roon, isa sa magkabilang dulo ng anim na baytang. Walang nagawang tulad niyon sa alinmang kaharian. At ang lahat ng sisidlang inuman ni Haring Solomon ay yari sa ginto, at ang lahat ng sisidlan sa Bahay ng Gubat ng Lebanon ay lantay na ginto; walang yari sa pilak sapagkat hindi mahalaga iyon sa mga araw ni Solomon. Sapagkat ang hari ay may mga sasakyang pandagat na yari sa Tarsis na kasama ng mga sasakyang dagat ni Hiram. Minsan sa bawat tatlong taon ay dumarating ang mga sasakyang dagat na yari sa Tarsis na nagdadala ng ginto, pilak, garing, mga unggoy, at mga pabo real.