Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA TAGA-CORINTO 15:12-28

I MGA TAGA-CORINTO 15:12-28 ABTAG01

At kung si Cristo ay ipinangangaral na binuhay mula sa mga patay, paanong ang ilan sa inyo ay nagsasabi na walang pagkabuhay na muli ng mga patay? Subalit kung walang pagkabuhay na muli ng mga patay, si Cristo man ay hindi muling binuhay, at kung si Cristo'y hindi muling binuhay, ang aming pangangaral ay walang kabuluhan, at ang inyong pananampalataya ay wala ring kabuluhan. At kami ay napatunayan pang mga bulaang saksi ng Diyos sapagkat kami ay nagpatunay tungkol sa Diyos, na kanyang muling binuhay si Cristo, na hindi naman niya muling binuhay, kung totoo na ang mga patay ay hindi muling binubuhay. Sapagkat kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, si Cristo man ay hindi muling binuhay. Kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan, kayo'y nananatili pa rin sa inyong mga kasalanan. Kung gayon, ang mga namatay kay Cristo ay napahamak. Kung para sa buhay na ito lamang tayo umaasa kay Cristo, sa lahat ng mga tao ay tayo ang pinakakawawa. Subalit ngayon, si Cristo ay binuhay mula sa mga patay, na siya ang unang bunga ng mga namatay. Sapagkat yamang sa pamamagitan ng isang tao'y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din ng isang tao'y dumating ang pagkabuhay na muli ng mga patay. Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. Subalit ang bawat isa'y ayon sa kanya-kanyang panahon. Si Cristo ang unang bunga; at pagkatapos ay ang mga kay Cristo sa kanyang pagdating. Pagkatapos ay darating ang wakas, kapag kanyang ibinigay ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos na lipulin niya ang lahat ng paghahari at lahat ng kapamahalaan at kapangyarihan. Sapagkat siya'y kailangang maghari hanggang mailagay niya ang lahat ng kanyang mga kaaway sa ilalim ng kanyang paa. Ang huling kaaway na lilipulin ay ang kamatayan. Sapagkat ipinasakop ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang paa. Subalit kung sinasabi, “Lahat ng mga bagay ay ipinasakop,” maliwanag na hindi siya kabilang na nagpasakop sa lahat ng bagay sa kanya. Subalit kapag ang lahat ng mga bagay ay ipinasakop na sa kanya, ang Anak ay pasasakop din sa kanya na nagpapasakop ng lahat ng mga bagay sa kanya, upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa I MGA TAGA-CORINTO 15:12-28

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya