Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Corinto 15:12-28

1 Corinto 15:12-28 ASND

Ngayon, kung ipinangangaral namin sa inyo na si Cristoʼy muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na walang muling pagkabuhay? Kung totoong walang muling pagkabuhay, nangangahulugan na maging si Cristo ay hindi rin muling nabuhay. At kung si Cristoʼy hindi muling nabuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral, at wala ring silbi ang inyong pananampalataya. At hindi lang iyan, lalabas din na sinungaling kami tungkol sa Dios dahil ipinapahayag namin na binuhay niyang muli si Cristo. Ngunit hindi siya muling nabuhay kung talagang walang muling pagkabuhay. At kung si Cristoʼy hindi muling nabuhay, walang silbi ang inyong pananampalataya at hindi pa kayo napapatawad sa inyong mga kasalanan. At nangangahulugan din na ang mga mananampalataya kay Cristo na namatay na ay hindi naligtas. Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay hanggang sa buhay na ito lamang, tayo ang pinakakawawa sa lahat ng tao. Ngunit ang totoo, muling nabuhay si Cristo bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. Dahil sa isang tao na si Adan, dumating ang kamatayan sa lahat ng tao. At dahil din sa isang tao na si Cristo, muling mabubuhay ang mga patay. Sapagkat kung paanong tayong mga tao ay mamamatay dahil sa kaugnayan natin kay Adan, ganoon din naman, dahil sa ating kaugnayan kay Cristo, tayong lahat ay muling mabubuhay. Ngunit may kanya-kanyang takdang panahon ang muling pagkabuhay. Unang nabuhay si Cristo; pagkatapos, ang mga nakay Cristo naman ang bubuhayin pagbalik niya rito sa mundo. At pagkatapos nito, darating ang katapusan. Lulupigin niya ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan, at ibibigay ang paghahari sa Dios Ama. Sapagkat si Cristoʼy dapat maghari hanggang sa lubusan niyang malupig ang lahat ng kanyang mga kaaway. At ang huling kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. Sinasabi sa Kasulatan na ang lahat ng bagay ay ipinasakop ng Dios kay Cristo. Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” hindi nangangahulugan na kasama rito ang Dios na siyang nagpasakop ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. At kung ang lahat ay naipasakop na sa kapangyarihan ni Cristo, maging si Cristo ay magpapasakop sa Dios na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang kapangyarihan, upang ang Dios ang siyang maghari sa lahat.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa 1 Corinto 15:12-28

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya