Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA TAGA-CORINTO 11:20-34

I MGA TAGA-CORINTO 11:20-34 ABTAG01

Kapag kayo ay nagkakatipon, iyon ay hindi upang kainin ang hapunan ng Panginoon. Sapagkat kapag dumating na ang panahon ng pagkain, ang bawat isa'y nauuna sa kanyang sariling hapunan at ang isa ay gutom, at ang iba'y lasing. Ano? Wala ba kayong mga bahay na makakainan at maiinuman? O hinahamak ninyo ang iglesya ng Diyos, at hinihiya ang mga walang kahit ano? Ano ang sasabihin ko sa inyo? Kayo ba'y pupurihin ko? Sa bagay na ito ay hindi ko kayo pinupuri. Sapagkat tinanggap ko sa Panginoon ang ibinigay ko naman sa inyo, na ang Panginoong Jesus nang gabing siya'y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay; at nang siya'y makapagpasalamat, ito ay kanyang pinagputul-putol, at sinabi, “Ito'y aking katawan na pinagputul-putol para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.” Sa gayunding paraan ay kinuha niya ang kopa, pagkatapos maghapunan, na sinasabi, “Ang kopang ito'y siyang bagong tipan sa aking dugo. Gawin ninyo ito tuwing kayo'y iinom nito, sa pag-aalaala sa akin.” Sapagkat sa tuwing kainin ninyo ang tinapay na ito at inuman ang kopa, ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa dumating siya. Kaya't ang sinumang kumain ng tinapay o uminom sa kopa ng Panginoon sa paraang hindi nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. Siyasatin ninyo ang inyong sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa kopa. Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom na hindi kinikilala ang katawan ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili. Dahil dito, marami sa inyo ang mahihina at mga maysakit, at ang ilan ay namatay na. Subalit kung hinahatulan natin ang ating sarili, hindi tayo mahahatulan. Subalit kapag tayo'y hinatulan ng Panginoon, tayo ay sinusupil upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanlibutan. Dahil dito, mga kapatid ko, kapag kayo'y nagtitipon upang kumain, maghintayan kayo. Kung nagugutom ang sinuman, kumain siya sa bahay, upang ang inyong pagtitipon ay huwag mauwi sa paghatol. Tungkol sa iba pang mga bagay ay magbibigay ako ng tagubilin pagdating ko.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa I MGA TAGA-CORINTO 11:20-34

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya