Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA TAGA-CORINTO 1:1-17

I MGA TAGA-CORINTO 1:1-17 ABTAG01

Si Pablo na tinawag upang maging apostol ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Sostenes na ating kapatid, Sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa mga ginawang banal kay Cristo Jesus, mga tinawag na banal, kasama ng lahat na sa bawat lugar ay tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo na kanila at ating Panginoon: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Ako ay laging nagpapasalamat sa aking Diyos tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus, na sa lahat ng mga bagay ay pinayaman kayo sa kanya sa bawat uri ng pananalita at kaalaman, kagaya ng patotoo ni Cristo na pinagtibay sa inyo. Kaya't kayo'y hindi nagkukulang sa anumang kaloob habang kayo'y naghihintay sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Siya rin ang magpapalakas sa inyo hanggang sa katapusan, na hindi masusumbatan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Ang Diyos ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo tungo sa pakikisama ng kanyang Anak, si Jesu-Cristo na ating Panginoon. Mga kapatid, ngayon ay nananawagan ako sa inyo sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kayong lahat ay magsalita ng isang bagay lamang, at huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi, kundi kayo'y magkaisa sa isang pag-iisip at layunin lamang. Sapagkat iniulat sa akin ng mga kasamahan ni Cloe ang tungkol sa inyo, na sa inyo'y may mga pagtatalu-talo, mga kapatid ko. Ang ibig kong sabihin ay ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi, “Ako'y kay Pablo,” o “Ako'y kay Apolos,” at “Ako'y kay Cefas,” at “Ako nama'y kay Cristo.” Si Cristo ba ay nahati? Si Pablo ba ay ipinako sa krus dahil sa inyo? O kayo ba ay binautismuhan sa pangalan ni Pablo? Ako ay nagpapasalamat sa Diyos na hindi ko binautismuhan ang sinuman sa inyo, maliban kay Crispo at kay Gayo; baka masabi ng sinuman na kayo'y binautismuhan sa pangalan ko. Binautismuhan ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Maliban sa kanila, hindi ko alam kung ako ay may binautismuhan pang iba. Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang ipangaral ang magandang balita, hindi sa pamamagitan ng mahusay na pananalita, upang ang krus ni Cristo ay huwag mawalan ng kapangyarihan.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa I MGA TAGA-CORINTO 1:1-17