Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Corinto 1:1-17

1 Corinto 1:1-17 ASND

Mula kay Pablo na tinawag upang maging apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios, kasama si Sostenes na ating kapatid. Mahal kong mga kapatid sa iglesya ng Dios diyan sa Corinto. Kayoʼy naging kanya sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Tinawag niya kayo upang maging banal, kasama ng lahat ng kumikilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo saan mang lugar. Siyaʼy Panginoon nating lahat. Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Lagi akong nagpapasalamat sa Dios dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Sapagkat sa inyong pakikipag-isa sa kanya, pinalago kayo ng Dios sa lahat ng bagay – sa pananalita at kaalaman. Dahil dito, napatunayan sa inyo na ang mga itinuro namin tungkol kay Cristo ay totoo. Kaya hindi kayo kinukulang sa anumang kaloob na espiritwal habang hinihintay ninyo ang pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Pananatilihin niya kayong matatag sa pananampalataya hanggang sa katapusan, upang kayoʼy maging walang kapintasan sa araw ng kanyang pagdating. Tapat ang Dios na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon. Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na magkaisa kayong lahat, na walang hidwaang mamagitan sa inyo. Magkaisa kayo sa isip at layunin. Sinasabi ko ito, dahil may nagbalita sa akin mula sa tahanan ni Cloe na may mga nag-aalitan sa inyo. Ito ang ibig kong sabihin: Ang iba daw sa inyo ay nagsasabi, “Kay Pablo ako”; ang iba naman ay “Kay Apolos ako.” May iba ring nagsasabi, “Kay Pedro ako”; at ang iba naman ay “Kay Cristo ako.” Bakit, nahahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Binautismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo? Salamat sa Dios at wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispus at Gaius. Kaya walang makapagsasabing binautismuhan kayo sa pangalan ko. (Binautismuhan ko rin pala si Stefanas at ang kanyang pamilya. Maliban sa kanila, wala na akong natatandaang binautismuhan ko.) Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang mangaral ng Magandang Balita. At hindi ko ito ginagawa sa pamamagitan ng mahusay na pananalita at karunungan ng tao, upang hindi mawalan ng kapangyarihan ang pagkamatay ni Cristo sa krus.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa 1 Corinto 1:1-17

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya