Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Awit 78:1-37

Mga Awit 78:1-37 TLAB

Makinig kayo, Oh bayan ko, sa aking kautusan: ikiling ninyo ang inyong mga pakinig sa mga salita ng aking bibig. Aking bubukhin ang aking bibig sa isang talinghaga; ako'y magsasalita ng mga malabong sabi ng una: Na aming narinig at naalaman, at isinaysay sa amin ng aming mga magulang. Hindi namin ikukubli sa kanilang mga anak, na isasaysay sa salin ng lahing darating ang mga pagpuri sa Panginoon, at ang kaniyang kalakasan, at ang kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa. Sapagka't siya'y nagtatag ng patotoo sa Jacob, at nagtakda ng kautusan sa Israel, na kaniyang iniutos sa aming mga magulang, na kanilang ipabatid sa kanilang mga anak: Upang maalaman ng lahing darating, sa makatuwid baga'y ng mga anak na ipanganganak; na siyang magsisibangon, at mangagsasaysay sa kanilang mga anak: Upang kanilang mailagak ang kanilang pagasa sa Dios, at huwag kalimutan ang mga gawa ng Dios, Kundi ingatan ang kaniyang mga utos: At huwag maging gaya ng kanilang mga magulang, may matigas na ulo at mapanghimagsik na lahi; isang lahing di naglagay sa matuwid ng kanilang puso, at ang kanilang diwa ay hindi tapat sa Dios, Ang mga anak ni Ephraim, gayong may sakbat at may dalang mga busog, at nagsitalikod sa kaarawan ng pagbabaka. Hindi nila tinupad ang tipan ng Dios, at nagsitangging magsilakad sa kaniyang kautusan; At kanilang kinalimutan ang kaniyang mga gawa, at ang kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ipinakita sa kanila. Mga kagilagilalas na mga bagay ay ginawa niya sa paningin ng kanilang mga magulang, sa lupain ng Egipto, sa parang ng Zoan. Hinawi niya ang dagat, at pinaraan niya sila; at kaniyang pinatayo ang tubig na parang bunton. Sa araw naman ay kaniyang pinatnubayan sila sa pamamagitan ng isang ulap, at buong gabi ay sa pamamagitan ng tanglaw na apoy. Kaniyang pinuwangan ang mga bato sa ilang, at pinainom niya sila ng sagana na gaya ng mula sa mga kalaliman. Nagpabukal naman siya mula sa bato. At nagpababa ng tubig na parang mga ilog. Gayon ma'y nagkasala uli sila laban sa kaniya, upang manghimagsik laban sa Kataastaasan sa ilang. At kanilang tinukso ang Dios sa kanilang puso, sa paghingi ng pagkain sa kanilang pita. Oo, sila'y nagsalita laban sa Dios; kanilang sinabi, Makapaghahanda ba ang Dios ng dulang sa ilang? Narito, kaniyang pinalo ang bato, na ang mga tubig ay bumubuluwak, at mga bukal ay nagsisiapaw; makapagbibigay ba siya ng tinapay naman? Ipaghahanda ba niya ng karne ang kaniyang bayan? Kaya't narinig ng Panginoon, at napoot: at isang apoy ay nagalab laban sa Jacob, at galit naman ay napailanglang laban sa Israel; Sapagka't sila'y hindi nagsisampalataya sa Dios, at hindi nagsitiwala sa kaniyang pagliligtas. Gayon ma'y nagutos siya sa mga langit sa itaas, at binuksan ang mga pintuan ng langit; At pinaulanan niya sila ng mana upang makain. At binigyan sila ng trigo ng langit. Kumain ang tao ng tinapay ng makapangyarihan: pinadalhan niya sila ng pagkain hanggang sa nangabusog. Kaniyang pinahihip ang hanging silanganan sa mga langit: at sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan ay pinatnubayan niya ang hanging timugan. Pinaulanan naman niya sila ng karne na parang alabok, at ng mga ibong parang buhangin sa mga dagat: At pinalagpak niya sa gitna ng kanilang kampamento, sa palibot ng kanilang mga tahanan. Sa gayo'y nagsikain sila, at nangabusog na mabuti; at ibinigay niya sa kanila ang kanilang pita. Hindi sila nagsihiwalay sa kanilang pita, ang kanilang pagkain ay nasa kanila pang mga bibig, Nang ang galit ng Dios ay paitaas laban sa kanila, at pumatay sa mga pinakamataba sa kanila, at sinaktan ang mga binata sa Israel. Sa lahat ng ito ay nangagkasala pa sila, at hindi naniwala sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa. Kaya't kaniyang pinaram ang kanilang mga kaarawan sa walang kabuluhan, at ang kanilang mga taon ay sa mga kakilabutan. Nang kaniyang patayin sila, sila'y nangagusisa sa kaniya: at sila'y nagsibalik, at nagsihanap ng tapat sa Dios. At kanilang naalaala na ang Dios ay kanilang malaking bato, at ang Kataastaasang Dios ay kanilang manunubos. Nguni't tinutuya nila siya ng kanilang bibig, at pinagbubulaanan nila siya ng kanilang dila. Sapagka't ang kanilang puso ay hindi matuwid sa kaniya, ni tapat man sila sa kaniyang tipan.