At sinabi rin naman niya sa mga alagad, May isang taong mayaman, na may isang katiwala; at ito'y isinumbong sa kaniya na siya'y nagsisira ng kaniyang mga pag-aari. At tinawag niya siya, at sa kaniya'y sinabi, Ano ito na nababalitaan ko tungkol sa iyo? magbigay sulit ka ng pagiging katiwala; sapagka't hindi ka na maaaring maging katiwala pa. At sinabi ng katiwala sa kaniyang sarili, Anong gagawin ko, yamang inaalis sa akin ng panginoon ko ang pagiging katiwala? Magdukal ng lupa'y wala akong kaya; magpalimos ay nahihiya ako. Nalalaman ko na ang gagawin ko, upang, kung mapaalis ako sa pagiging katiwala, ako ay matanggap nila sa kanilang mga bahay. At pagtawag niya sa bawa't isa sa mga may utang sa kaniyang panginoon, ay sinabi niya sa una, Gaano ang utang mo sa aking panginoon? At sinabi niya, Isang daang takal na langis. At sinabi niya sa kaniya, Abutin mo ang iyong kasulatan, at maupo kang madali at isulat mong limangpu. Nang magkagayon ay sinabi niya sa iba, At ikaw, gaano ang utang mo? At sinabi niya, Isang daang takal na trigo. Sinabi niya sa kaniya, Abutin mo ang iyong kasulatan, at isulat mong walongpu. At pinuri ng kaniyang panginoon ang lilong katiwala, sapagka't siya'y gumawang may katalinuhan: sapagka't ang mga anak ng sanglibutang ito, sa kanilang sariling lahi, ay matatalino kay sa mga anak ng ilaw. At sinabi ko sa inyo, Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng kayamanan ng kasamaan; upang, kung kayo'y magkulang, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walang hanggang tabernakulo. Ang mapagtapat sa kakaunti ay mapagtapat din naman sa marami: at ang di matuwid sa kakaunti ay di rin naman matuwid sa marami. Kung kayo nga'y di naging mapagtapat sa masamang kayamanan, sino nga ang magkakatiwala sa inyo ng mga tunay na kayamanan? At kung di kayo naging mapagtapat sa kayamanan ng iba, sino ang sa inyo'y magbibigay ng sa inyong sarili. Walang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka't kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa; o di kaya'y magtatapat sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan. At ang mga Fariseo, na pawang maibigin sa salapi, ay nangakikinig ng lahat ng mga bagay na ito; at siya'y tinutuya nila. At sinabi niya sa kanila, Kayo ang nangagaaring-ganap sa inyong sarili sa paningin ng mga tao; datapuwa't nakikilala ng Dios ang inyong mga puso; sapagka't ang dinadakila ng mga tao ay kasuklamsuklam sa paningin ng Dios. Ang kautusan at ang mga propeta ay nanatili hanggang kay Juan: mula noo'y ang evangelio ng kaharian ng Dios ay ipinangangaral, at ang bawa't tao ay pumapasok doon na nagpipilit. Nguni't lubhang magaan pa ang mangawala ang langit at ang lupa, kay sa mahulog ang isang kudlit ng kautusan. Ang bawa't lalaki na inihihiwalay ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya: at ang magasawa sa babaing inihiwalay ng kaniyang asawa ay nagkakasala ng pangangalunya.