Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 8:31-51

Juan 8:31-51 TLAB

Sinabi nga ni Jesus sa mga Judiong yaon na nagsisisampalataya sa kaniya, Kung kayo'y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo'y tunay nga kayong mga alagad ko; At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana'y magpapalaya sa inyo. Sa kaniya'y kanilang isinagot, Kami'y binhi ni Abraham, at kailan ma'y hindi pa naging alipin ninomang tao: paanong sinasabi mo, Kayo'y magiging laya? Sinagot sila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't nagkakasala ay alipin ng kasalanan. At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailan man: ang anak ang nananahan magpakailan man. Kung palayain nga kayo ng Anak, kayo'y magiging tunay na laya. Talastas ko na kayo'y binhi ni Abraham; gayon ma'y pinagsisikapan ninyong ako'y patayin, sapagka't ang salita ko'y hindi magkasiya sa inyo. Sinasalita ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama: at ginagawa rin ninyo ang mga bagay na inyong narinig sa inyong Ama. Sila'y nagsisagot at sa kaniya'y sinabi, Si Abraham ang aming ama. Sa kanila'y sinabi ni Jesus, Kung kayo'y mga anak ni Abraham, ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham. Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios: ito'y hindi ginawa ni Abraham. Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama. Sinabi nila sa kaniya, Hindi kami inianak sa pakikiapid; may isang Ama kami, ang Dios. Sinabi sa kanila ni Jesus, Kung ang Dios ang inyong ama, ay inyong iibigin ako: sapagka't ako'y nagmula at nanggaling sa Dios; sapagka't hindi ako naparito sa aking sarili, kundi sinugo niya ako. Bakit hindi ninyo napaguunawa ang aking pananalita? sapagka't hindi ninyo mangyayaring dinggin ang aking salita. Kayo'y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling, at ama nito. Nguni't dahil sa sinasabi ko ang katotohanan, ay hindi ninyo ako sinasampalatayanan. Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi ninyo ako sinasampalatayanan? Ang sa Dios ay nakikinig ng mga salita ng Dios: dahil dito'y hindi ninyo dinirinig, sapagka't kayo'y hindi sa Dios. Nagsisagot ang mga Judio at sa kaniya'y sinabi, Hindi baga magaling ang aming pagkasabi na ikaw ay isang Samaritano, at mayroon kang demonio? Sumagot si Jesus, Ako'y walang demonio; kundi pinapupurihan ko ang aking Ama, at ako'y inyong sinisiraan ng puri. Nguni't hindi ko hinahanap ang aking sariling kaluwalhatian: may isang humahanap at humahatol. Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung ang sinoman ay tutupad ng aking salita, ay hindi siya makakakita magpakailan man ng kamatayan.