Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 8:31-51

JUAN 8:31-51 ABTAG01

Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga Judiong sumasampalataya sa kanya, “Kung kayo'y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo'y mga alagad ko. At inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Sumagot sila sa kanya, “Kami'y mula sa binhi ni Abraham, at kailanma'y hindi pa naging alipin ng sinuman. Bakit mo sinasabing, ‘Kayo'y magiging malaya’?” Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan. Ang alipin ay walang palagiang lugar sa sambahayan. Ang anak ay may lugar doon magpakailanman. Kaya't kung kayo'y palayain ng Anak, kayo'y magiging tunay na malaya. Nalalaman ko na kayo'y binhi ni Abraham; subalit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin, sapagkat ang salita ko'y walang paglagyan sa inyo. Sinasabi ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama, at kayo, ginagawa naman ninyo ang mga bagay na narinig ninyo mula sa inyong ama.” Sila'y sumagot sa kanya, “Si Abraham ang aming ama.” Sa kanila'y sinabi ni Jesus, “Kung kayo'y mga anak ni Abraham ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham. Subalit ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanan na aking narinig sa Diyos. Ito'y hindi ginawa ni Abraham. Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” Sinabi nila sa kanya, “Hindi kami ipinanganak sa pakikiapid. Mayroon kaming isang Ama, ang Diyos.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung ang Diyos ang inyong ama, ay inibig ninyo sana ako, sapagkat ako'y nagmula sa Diyos at ngayon ay naririto ako. Hindi ako naparito mula sa aking sarili kundi sinugo niya ako. Bakit hindi ninyo nauunawaan ang aking sinasabi? Sapagkat hindi ninyo matanggap ang aking salita. Kayo'y mula sa inyong amang diyablo, at ang nais ninyong gawin ay ang kagustuhan ng inyong ama. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa sa simula, at hindi naninindigan sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag siya ay nagsasalita ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kanyang sariling likas, sapagkat siya'y isang sinungaling, at ama ng kasinungalingan. Ngunit dahil sa sinasabi ko ang katotohanan ay hindi kayo nananampalataya sa akin. Sino sa inyo ang makakasumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi kayo sumasampalataya sa akin? Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos. Ang dahilan kung bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga ito ay sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.” Sumagot ang mga Judio sa kanya, “Hindi ba tama ang aming sinabi na ikaw ay isang Samaritano at mayroon kang demonyo?” Sumagot si Jesus, “Ako'y walang demonyo, kundi pinararangalan ko ang aking Ama, at inyong sinisira ang aking karangalan. Ngunit hindi ko hinahanap ang aking sariling kaluwalhatian. Mayroong isa na humahanap nito at siya ang hukom. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung ang sinuman ay tutupad ng aking salita, hindi siya makakakita ng kamatayan kailanman.”