Pagkatapos ng mga bagay na ito ay naparoon si Jesus sa kabilang ibayo ng dagat ng Galilea, na siyang dagat ng Tiberias. At sumusunod sa kaniya ang lubhang maraming tao, sapagka't kanilang nangakikita ang mga tanda na ginagawa niya sa mga maysakit. At umahon si Jesus sa bundok, at doo'y naupo siya na kasama ng kaniyang mga alagad. Malapit na nga ang paskua, na pista ng mga Judio. Itinanaw nga ni Jesus ang kaniyang mga mata, at pagkakita na ang lubhang maraming tao'y lumalapit sa kaniya, ay sinabi kay Felipe, Saan tayo magsisibili ng tinapay, upang mangakakain ang mga ito? At ito'y sinabi niya upang siya'y subukin: sapagka't nalalaman niya sa kaniyang sarili kung ano ang kaniyang gagawin. Sumagot si Felipe sa kaniya, Hindi magkakasiya sa kanila ang dalawang daang denariong tinapay, upang makakain ng kaunti ang bawa't isa. Sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, May isang batang lalake rito, na mayroong limang tinapay na sebada, at dalawang isda: datapuwa't gaano na ang mga ito sa ganyang karamihan? Sinabi ni Jesus, Inyong paupuin ang mga tao. Madamo nga sa dakong yaon. Kaya't nagsiupo ang mga lalake, na may limang libo ang bilang. Kinuha nga ni Jesus ang mga tinapay; at nang makapagpasalamat, ay ipinamahagi niya sa kanilang nangakaupo; at gayon din naman binigyan sila ng mga isda kung gaanong ibigin nila. At nang sila'y mangabusog, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Pulutin ninyo ang mga pinagputolputol na lumabis, upang walang anomang masayang. Kaya't kanilang tinipon, at nangapuno ang labingdalawang bakol ng mga pinagputolputol sa limang tinapay na sebada, na lumabis sa nagsikain. Kaya't nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya, ay kanilang sinabi, Totoong ito nga ang propeta na paririto sa sanglibutan. Nang mapaghalata nga ni Jesus na sila'y magsisilapit at siya'y agawin, upang siya'y gawing hari, ay muling nagbalik sa bundok na nagiisa. At nang kinahapunan, ay nagsilusong ang kaniyang mga alagad sa dagat; At nagsilulan sila sa isang daong, at kanilang tinatawid ang dagat hanggang sa Capernaum. At madilim na nga, at hindi dumarating sa kanila si Jesus. At lumalaki ang dagat dahil sa isang malakas na hanging humihihip. Nang sila nga'y mangakagaod na ng may dalawangpu't lima o tatlongpung estadio, ay kanilang nakita si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat, at lumalapit sa daong: at sila'y nangahintakutan. Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Ako nga; huwag kayong mangatakot. Malugod nga nilang tinanggap siya sa daong: at pagdaka'y dumating ang daong sa lupang kanilang tinutumpa. Nang kinabukasan ay nakita ng karamihang nakatayo sa kabilang ibayo ng dagat na doo'y walang ibang daong, kundi isa, at hindi lumulan sa daong si Jesus na kasama ng kaniyang mga alagad, kundi ang kaniyang mga alagad lamang ang nagsipaglayag (Gayon man ay may mga daong na nagsidating na mula sa Tiberias malapit sa dako na kanilang kinainan ng tinapay pagkatapos na makapagpasalamat ang Panginoon): Nang makita nga ng karamihan na wala roon si Jesus, ni ang kaniyang mga alagad man, ay nagsilulan sila sa mga daong, at nagsidating sa Capernaum, na hinahanap si Jesus. At nang siya'y kanilang masumpungan sa kabilang ibayo ng dagat, ay kanilang sinabi sa kanila, Rabi, kailan ka dumating dito? Sinagot sila ni Jesus at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako'y inyong hinahanap, hindi dahil sa inyong nangakitang mga tanda, kundi dahil sa kayo'y nagsikain ng tinapay, at kayo'y nangabusog. Magsigawa kayo hindi dahil sa pagkaing napapanis, kundi dahil sa pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo ng Anak ng tao: sapagka't siyang tinatakan ng Ama, sa makatuwid baga'y ang Dios. Sinabi nga nila sa kaniya, Ano ang kinakailangan naming gawin, upang aming magawa ang mga gawa ng Dios?