Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Jeremias 3:10-25

Jeremias 3:10-25 TLAB

At gayon ma'y sa lahat ng ito ay hindi bumalik sa akin ang taksil niyang kapatid na Juda, ng kaniyang buong puso, kundi paimbabaw, sabi ng Panginoon. At sinabi ng Panginoon sa akin, Ang tumatalikod na Israel ay napakilala na lalong matuwid kay sa taksil na Juda. Ikaw ay yumaon, at itanyag mo ang mga salitang ito sa dakong hilagaan, at iyong sabihin, Ikaw ay manumbalik, ikaw na tumatalikod na Israel, sabi ng Panginoon; hindi ako titinging may galit sa inyo: sapagka't ako'y maawain, sabi ng Panginoon, hindi ako magiingat ng galit magpakailan man. Kilalanin mo lamang ang iyong kasamaan, na ikaw ay sumalansang sa Panginoon mong Dios, at iyong ikinalat ang iyong mga kaugalian sa mga taga ibang lupa sa ilalim ng bawa't sariwang punong kahoy, at kayo'y hindi nagsisunod sa aking tinig, sabi ng Panginoon. Kayo'y manumbalik, Oh tumatalikod na mga anak, sabi ng Panginoon, sapagka't ako'y asawa ninyo; at kukuha ako sa inyo ng isa sa isang bayan, at dalawa sa isang angkan, at dadalhin ko kayo sa Sion. At bibigyan ko kayo ng mga pastor ayon sa aking kalooban, na kakandili sa inyo ng kaalaman at unawa. At mangyayari, pagka kayo'y dumami at lumago sa lupain sa mga araw na yaon, sabi ng Panginoon, hindi na nila sasabihin, Ang kaban ng tipan ng Panginoon; ni mapapasaisip nila yaon: ni aalalahanin nila yaon: ni nanaisin nila yaon; ni mayayari pa man. Sa panahong yaon ay tatawagin nila ang Jerusalem na luklukan ng Panginoon, at lahat ng mga bansa ay mapipisan doon, sa pangalan ng Panginoon, sa Jerusalem: hindi na rin lalakad pa man sila ng ayon sa pagmamatigas ng kanilang masamang kalooban. Sa mga araw na yaon ang sangbahayan ni Juda ay lalakad na kasama ng sangbahayan ni Israel, at sila'y manggagaling na magkasama sa lupain ng hilagaan sa lupain na ibinigay kong pinakamana sa inyong mga magulang. Nguni't aking sinabi, Paanong ilalagay kita sa gitna ng mga anak, at bibigyan kita ng masayang lupain, ng mainam na mana ng mga hukbo ng mga bansa? at aking sinabi, Inyong tatawagin ako, Ama ko; at hindi ka na hihiwalay pa ng pagsunod sa akin. Tunay na kung paanong humihiwalay na may pagtataksil ang babae sa kaniyang asawa, gayon kayo nagsigawang may kataksilan sa akin, Oh sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoon. Isang tinig ay naririnig sa mga luwal na kaitaasan, ang iyak at ang mga samo ng mga anak ni Israel; sapagka't kanilang pinasama ang kanilang lakad, kanilang nilimot ang Panginoon nilang Dios. Kayo'y manumbalik, kayong nagsisitalikod na mga anak, aking pagagalingin ang inyong mga pagtalikod. Narito, kami ay nagsiparito sa iyo; sapagka't ikaw ay Panginoon naming Dios. Tunay na walang kabuluhan ang tulong na maaasahan sa mga burol, ang kagulo sa mga bundok: tunay na nasa Panginoon naming Dios ang kaligtasan ng Israel. Nguni't nilamon ng nakahihiyang bagay ang gawa ng ating mga magulang na mula sa ating kabataan, ang kanilang mga kawan at ang kanilang mga bakahan, ang kanilang mga anak na lalake at babae. Tayo'y magsihiga sa ating kahihiyan, at takpan tayo ng ating kalituhan: sapagka't tayo'y nangagkasala laban sa Panginoon nating Dios, tayo at ang ating mga magulang, mula sa ating kabataan hanggang sa araw na ito; at hindi tayo nakinig sa tinig ng Panginoon nating Dios.