Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ecclesiastico 25

25
Ang Karapat-dapat Papurihan
1May tatlong bagay akong kinagigiliwan,
na kinalulugdan ng Diyos at maganda sa paningin ng tao:
ang pagsusunuran ng magkakapatid, ang pagkakaibigan ng magkapitbahay,
at ang pagmamahalan ng mag-asawa.
2Tatlong uri naman ng tao ang aking kinapopootan,
at ang gawa nila'y labis kong kinasusuklaman:
ang maralitang nagmamataas, ang mayamang sinungaling,
at ang matandang hayok sa laman.
3Kung hindi ka mag-iimpok ng Karunungan samantalang bata pa,
anong iyong aasahan kapag tumanda na?
4Kahanga-hanga ang isang matanda sa kakayahan nitong umunawa,
at ang may karanasan sa kanyang pagpapayo.
5Nararapat na ang isang matanda ay maging marunong
at ang taong marangal ay maging mabuting tagapayo.
6Ang mahabang karanasan ang putong ng katandaan,
at ang paggalang sa Panginoon ang tunay nilang karangalan.
Ang Kawikaan
7Siyam na bagay ang nagbibigay sa akin ng kasiyahan,
at may isa pa akong idaragdag:
Ang magulang na ang kaligayahan ay ang kanyang mga anak;
ang taong saksi sa pagbagsak ng kanyang mga kaaway;
8ang lalaking may matalinong asawa;
ang mag-asawang nagkakasundo,
ang taong hindi nagkakasala sa pananalita;
ang taong hindi naglilingkod sa mas hamak kaysa kanya;
9ang taong nakatagpo ng isang tapat na kaibigan;
ang taong kinagigiliwang pakinggan kapag siya'y nagsasalita;
10ang taong nagkamit ng Karunungan;
ngunit higit sa lahat ang taong may paggalang sa Panginoon.
11-12Ang paggalang sa Panginoon ay higit sa lahat ng bagay dito sa sanlibutan,
at ang taong mayroon nito ay walang katulad.#11-12 at ang taong…katulad: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ang paggalang sa Panginoon ang unang hakbang sa pag-ibig sa kanya, at ang pananalig naman ang unang hakbang sa pagiging tapat.
Ang Babae
13Sa lahat ng sugat, pinakamahapdi ang sugat sa puso;
sa lahat ng panliligalig, wala nang hihigit pa sa panliligalig ng babae.
14Pinakamasakit na pahirap ang parusa ng napopoot;
pinakamalupit na ganti ang paghihiganti ng kaaway.
15Pinakamasamang kamandag ang kamandag ng ulupong;
pinakamatinding poot ang poot ng babae.#15 babae: Sa ibang manuskrito'y kaaway.
16Mabuti pa ang mag-alaga ng isang leon o dragon,
kaysa mag-asawa ng isang masungit na babae.
17Ang mukha niya'y pinapapangit ng kanyang kasungitan,
anupa't siya'y nagmumukhang galit na oso.
18Kapag ang asawa niya'y kasalo ng kanyang mga kaibigan,
abut-abot ang kanyang buntong-hiningang di mapigilan.
19Walang ligalig sa buhay na maipapantay sa kaligaligang dulot ng babae;
nawa'y sapitin din niya ang kasawian ng mga makasalanan.
20Kung gaano kahirap para sa isang matanda ang umahon sa isang bundok na buhangin,
gayon kahirap para sa isang lalaking tahimik ang makisama sa isang babaing madaldal.
21Huwag kang pahahalina sa kagandahan ng babae,
at huwag kang mahuhumaling na makamtan siya.#21 at huwag…siya: Ganito ang nasa tekstong Griego. Sa tekstong Hebreo ay may dagdag na dahil siya'y mayaman.
22Kapag ang lalaki'y palamunin ng asawa,
wala siyang mahihintay kundi kadustaan, kahihiyan at alimura.
23Ang masungit na babae'y hirap ng loob ng asawa,
at wala siyang idudulot dito kundi pawang kalungkutan, kabiguan at kahihiyan.
24Sa babae nagsimula ang kasalanan,
at dahil sa kanya tayong lahat ay mamamatay.
25Huwag mong babayaang tumulo ang tubig,
at pigilan mo ang masamang pananalita ng iyong asawa.
26Kung ayaw niyang pasakop sa iyo,
mabuti pa'y hiwalayan mo siya.

Kasalukuyang Napili:

Ecclesiastico 25: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in