Ecclesiastico 24
24
Papuri sa Karunungan
1Ito ang papuri na isinalaysay ng Karunungan tungkol sa kanyang sarili,
2sa kapulungan ng Kataas-taasang Diyos, ipapahayag niya,
sa harap ng mga anghel#2 mga anghel: o kapangyarihan. magpupuri siya.
3“Nanggaling ako sa bibig ng Kataas-taasang Diyos,
at parang ulap na lumukob ako sa ibabaw ng lupa.
4Ang#Exo. 33:9-10. tahanan ko'y nasa kaitaasan,
at ang luklukan ko'y nasa ibabaw ng isang haliging ulap.
5Nag-iisa akong naglibot sa kalangitan
at naglakad sa pusod ng kalaliman,
6Nasa ilalim ng kapangyarihan ko ang tubig sa karagatan,
ang buong daigdig at ang lahat ng mga bansa at lahi.
7Naghanap ako ng mapapagpahingahan sa piling nila,
namili ako sa kanilang mga lupain ng matitirahan.
8At ang Lumalang sa lahat ang nag-utos sa akin;
siya, na lumikha sa akin ang nagtakda ng aking tirahan.
Sinabi niya, ‘Sa lupain ni Jacob, itayo mo ang iyong tahanan,
ang bayang Israel ang iyong magiging mana.’
9Nilikha niya ako bago pa nagsimula ang mga panahon,
at mananatili ako magpakailanman.
10Naglingkod ako sa kanya sa tahanang banal,
at sa Bundok ng Zion ako nanirahan.
11Ako nga'y pinatira niya sa lunsod niyang mahal,
at inilagay niya ang Jerusalem sa ilalim ng aking pamamahala.
12Nag-ugat ako sa piling ng bayang dinakila,
at piniling maging tanging bayan ng Panginoon.
13Doon ay yumabong akong gaya ng sedar sa Lebanon
at tulad ng sipres sa Bundok ng Hermon.
14Doon ay tumaas akong gaya ng palma sa Engedi,#14 ENGEDI: Sa ibang manuskrito'y pampang.
at nanariwang gaya ng rosas sa Jerico.
Doon ay lumago akong tulad ng olibo sa kabukiran,
at tulad ng isang malaking puno ay lumaki ako.
15Humalimuyak ang aking bango tulad ng kanela,
gaya ng balsamo at mamahaling mira,
tulad ng galbano, astakte o onica,
parang usok ng insenso na pumapailanlang sa tahanang banal.
16Yumabong ang aking mga sanga gaya ng ensina,
madadahon at magaganda.
17-18Tulad ng punong-ubas, nakatutuwa ang aking mga usbong;
at ang bulaklak ko'y namunga ng dangal at kayamanan.#17-18 at ang…kayamanan: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ako ang ina ng dalisay na pag-ibig, pagkatakot, kaalaman at banal na pag-asa; ipinagkaloob ako sa lahat kong mga anak na pinili niya bago nagsimula ang mga panahon.
19Lumapit kayong lahat, kayong nananabik sa akin,
at magpakabusog kayo sa aking mga bunga.
20Sapagkat ang pag-alala ninyo sa akin
ay matamis pa kaysa pulot na galing sa bahay-pukyutan.
21Kainin ninyo ako't inumin,
at hihingi pa uli kayo.
22Ang sumusunod sa akin ay hindi mapapahiya,
ang tumutupad ng aral ko ay di magkakasala.”
Ang Karunungan at ang Kautusan
23-24Ang karunungan ay ang Kautusan,
ang Kautusan na ipinatutupad sa atin ni Moises, ang tipan ng Kataas-taasang Diyos,
ang mana ng sambayanan ng Israel.#23-24 ang mana…Israel: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Magpakatatag kayo sa Panginoon; umasa kayo sa kanya at palalakasin niya kayo. Ang Makapangyarihang Panginoon lamang ang siyang Diyos; liban sa kanya ay wala nang ibang Tagapagligtas.
25Sa Kautusan nagmumula ang Karunungan, umaapaw na gaya ng Ilog Pison,
tulad ng Tigris sa panahon ng unang pamumunga.
26Sa Kautusan bumubukal ang pang-unawa, umaagos na gaya ng Ilog Eufrates,
tulad ng Ilog Jordan sa panahon ng tag-ani.
27Sa Kautusan bumubukal ang mabubuting aral, gaya ng Ilog Nilo,#27 bumubukal…Ilog Nilo: Ganito ang nasa isang lumang salin. Sa tekstong Griego ay nagniningning ang mabubuting aral gaya ng liwanag.
tulad ng Ilog Gihon sa panahon ng pamimitas ng ubas.
28Kung paanong hindi lubos na maunawaan ng unang tao ang karunungan,
wala pa ring makatatarok sa kanya hanggang sa wakas.
29Sapagkat malawak pa kaysa karagatan ang kanyang kaisipan,
malalim pa kaysa kalaliman ang kanyang mga payo.
30Ang tulad ko'y isang kanal ng patubig,
na umaagos mula sa ilog patungo sa isang halamanan.
31Sinabi ko noon: Didiligin ko ang aking halamanan,
at titigmakin ko ang aking mga taniman;
at ngayon, ang aking kanal ay naging ilog,
at ang aking ilog ay naging dagat.
32Ihahanay kong muli ang mabuting aral, maliwanag na parang bukang-liwayway
upang kumalat ang liwanag niya hanggang sa malayo.
33Palalaganapin kong muli ang mabuting aral,
na parang isang pahayag, mula sa Diyos
upang maging pamana sa mga susunod na salinlahi.
34Ang pagpapagal ko'y hindi para sa akin lamang,
kundi para sa lahat ng naghahangad ng Karunungan.
Kasalukuyang Napili:
Ecclesiastico 24: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society