Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Awit 40:11-17

Mga Awit 40:11-17 MBB05

Aking nalalamang di mo puputulin, Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin; wagas mong pag-ibig at iyong katapatan, mag-iingat sa akin magpakailanpaman. Kay rami na nitong mga suliranin, na sa karamiha'y di kayang bilangin. Alipin na ako ng pagkakasala, na sa dami, ako'y di na makakita; higit pa ang dami sa buhok sa ulo, kaya nasira na pati ang loob ko. Nawa ay kalugdan, na ako'y tulungan! Yahweh, ngayon na, ako'y pakinggan. Nawa ang may hangad na ako'y patayin, bayaang malito't ganap na talunin. Yaong nagagalak sa suliranin ko, hiyain mo sila't bayaang malito! Silang nangungutya sa aki'y bayaang manlumo nang labis, nang di magtagumpay! Silang lumalapit sa iyo'y dulutan ng ligaya't galak na walang kapantay; bayaang sabihing: “Si Yahweh ay Dakila!” ng nangaghahangad maligtas na kusa. Ako ma'y mahirap at maraming kailangan, subalit hindi mo kinalilimutan. Ikaw ang tulong ko, at tagapagligtas— Yahweh aking Diyos, huwag ka nang magtagal!