Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Kawikaan 19:8-23

Mga Kawikaan 19:8-23 MBB05

Ang nagsisikap matuto, sa sarili ay nagmamahal, ang nagpapahalaga sa karunungan ay magtatagumpay. Ang bulaang saksi ay tiyak na mapaparusahan, at ang sinungaling ay wala ring tatakbuhan. Ang masaganang pamumuhay ay di angkop sa isang mangmang; gayon din ang alipin, di dapat mamuno sa mga dugong bughaw. Ang kahinahunan ay nagpapakilala ng katalinuhan, ang pagpapatawad sa masamang ginawa sa kanya ay kanyang karangalan. Ang poot ng hari ay parang leong umuungal, ngunit ang kanyang paglingap ay parang hamog sa halaman. Ang anak na hangal ay kasawiang-palad ng kanyang ama, at tila ulang walang tigil ang bibig ng madaldal na asawa. Namamana sa magulang ang bahay at kayamanan, ngunit si Yahweh lang ang nagbibigay ng mabuting maybahay. Ang taong tamad ay laging nakatihaya; kaya't siya'y magugutom, walang panlagay sa sikmura. Ang tumutupad sa kautusan ay nag-iingat ng kanyang buhay, at ang nagwawalang-bahala sa utos ay tiyak na mamamatay. Parang pagpapautang kay Yahweh ang pagtulong sa mahirap, at pagdating ng panahon, si Yahweh ang magbabayad. Ituwid mo ang iyong anak habang may pagkakataon pa, kung hindi'y ikaw na rin ang nagtulak sa pagkawasak niya. Di dapat pansinin ang taong mainit ang ulo, mapayuhan mo mang minsan, patuloy ding manggugulo. Dinggin mo at sundin ang payo sa iyo, at pagdating ng araw, pakikinabangan mo. Ang isang tao'y maraming iniisip, maraming binabalak, ngunit ang kalooban din ni Yahweh ang siyang mananaig. Kaibig-ibig sa isang tao ang kanyang katapatan, higit na mainam ang mahirap kaysa isang bulaan. Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagbibigay ng buhay, ang gumawa nito'y makakaranas ng kapayapaan, at ligtas sa kapahamakan.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mga Kawikaan 19:8-23