Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Isaias 40:1-11

Isaias 40:1-11 MBB05

“Aliwin ninyo ang aking bayan,” sabi ng Diyos. “Aliwin ninyo sila! Inyong ibalita sa mga taga-Jerusalem, tapos na ang kanilang pagdurusa sapagkat nabayaran na nila ng lubos ang kasalanang ginawa nila sa akin.” Ganito ang isinisigaw ng isang tinig: “Ihanda ninyo ang daraanan ni Yahweh sa ilang; gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran sa ilang. Tambakan ang mga libis, patagin ang mga burol at bundok, at pantayin ang mga baku-bakong daan. Mahahayag ang kaluwalhatian ni Yahweh, at makikita ito ng lahat ng tao. Si Yahweh mismo ang nagsabi nito.” “Magpahayag ka!” ang sabi ng tinig. “Ano ang ipahahayag ko?” tanong ko. Sumagot siya, “Ipahayag mong ang lahat ng tao ay tulad ng damo, ang kanyang buhay ay tulad lamang ng bulaklak sa parang. Natutuyo ang damo, kumukupas ang mga bulaklak, kapag sila'y mahipan ng hanging mula kay Yahweh. Tunay ngang ang tao ay tulad ng damo. Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak, ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.” Umakyat ka sa tuktok ng bundok, O Zion, magandang balita ay iyong ipahayag, O Jerusalem! Sumigaw ka at huwag matatakot, sabihin mo sa mga lunsod ng Juda, “Narito na ang inyong Diyos!” Dumarating ang Panginoong Yahweh na taglay ang kapangyarihan, dala ang gantimpala sa mga hinirang. At tulad ng pastol, pinapakain niya ang kanyang kawan; sa kanyang mga bisig, ang maliliit na tupa'y kanyang yayakapin. Sa kanyang kandungan ay pagyayamanin, at papatnubayan ang mga tupang may supling.