Inyong aliwin, inyong aliwin ang aking bayan, sabi ng inyong Dios.
Mangagsalita kayong may pagaliw sa Jerusalem; at sigawan ninyo siya, na ang kaniyang pakikipagdigma ay naganap, na ang kaniyang kasamaan ay ipinatawad, sapagka't siya'y tumanggap sa kamay ng Panginoon ng ibayong ukol sa kaniyang lahat na kasalanan.
Ang tinig ng isang sumisigaw, Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng Panginoon pantayin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Dios.
Bawa't libis ay mataas, at bawa't bundok at burol ay mabababa; at ang mga bakobako ay matutuwid, at ang mga hindi pantay na dako ay mapapatag:
At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at makikitang magkakasama ng lahat na tao, sapagka't sinalita ng bibig ng Panginoon,
Ang tinig ng isang nagsasabi, Ikaw ay dumaing. At sinabi ng isa, Ano ang aking idadaing? Lahat ng laman ay damo, at ang buong kagandahan niyaon ay parang bulaklak ng parang.
Ang damo ay natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta, sapagka't ang hinga ng Panginoon ay humihihip doon; tunay na ang bayan ay damo.
Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta; nguni't ang salita ng ating Dios ay mamamalagi magpakailan man.
Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Sion, sumampa ka sa mataas na bundok; Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Jerusalem, ilakas mo ang iyong tinig na may kalakasan; ilakas mo, huwag kang matakot; sabihin mo sa mga bayan ng Juda, Tingnan ang inyong Dios!
Narito, ang Panginoong Dios ay darating na gaya ng makapangyarihan, at ang kaniyang kamay ay magpupuno sa ganang kaniya: Narito, ang kaniyang ganting pala ay dala niya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya.
Kaniyang papastulin ang kaniyang kawan, na gaya ng pastor, kaniyang pipisanin ang mga kordero sa kaniyang kamay, at dadalhin sila sa kaniyang sinapupunan, at papatnubayan na marahan yaong mga nagpapasuso.