Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ISAIAS 40:1-11

ISAIAS 40:1-11 ABTAG01

Inyong aliwin, inyong aliwin ang aking bayan, sabi ng inyong Diyos. Magsalita kayo nang sa puso sa Jerusalem, at sabihin ninyo sa kanya, na ang kanyang pakikipagdigma ay tapos na, na ang kanyang kasamaan ay pinatawad, sapagkat siya'y tumanggap sa kamay ng PANGINOON ng ibayong bahagi para sa lahat niyang kasalanan. Ang tinig ng isang sumisigaw: “Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng PANGINOON, tuwirin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Diyos. Bawat libis ay matataas, at bawat bundok at burol ay mabababa; ang mga baku-bako ay matutuwid, at ang mga hindi pantay na dako ay mapapatag. At ang kaluwalhatian ng PANGINOON ay mahahayag, at sama-samang makikita ng lahat ng laman, sapagkat sinalita ng bibig ng PANGINOON.” Sinasabi ng isang tinig, “Ikaw ay dumaing!” At sinabi ko, “Ano ang aking idadaing?” Lahat ng laman ay damo, at lahat niyang kagandahan ay parang bulaklak ng parang. Ang damo ay natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta, kapag ang hininga ng PANGINOON ay humihihip doon; tunay na ang mga tao ay damo. Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta; ngunit ang salita ng ating Diyos ay mamamalagi magpakailanman. Umakyat ka sa mataas na bundok, O Zion, tagapagdala ng mabubuting balita; itaas mo ang iyong tinig na may kalakasan, O Jerusalem, tagapagdala ng mabubuting balita, itaas mo, huwag kang matakot; sabihin mo sa mga lunsod ng Juda, “Tingnan ang inyong Diyos!” Narito, ang Panginoong DIYOS ay darating na may kapangyarihan, at ang kanyang kamay ay mamumuno para sa kanya; narito, ang kanyang gantimpala ay dala niya, at ang kanyang ganti ay nasa harapan niya. Kanyang pakakainin ang kanyang kawan na gaya ng pastol, kanyang titipunin ang mga kordero sa kanyang bisig, at dadalhin sila sa kanyang kandungan, at maingat na papatnubayan iyong may mga anak.