Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Isaias 24

24
Paparusahan ni Yahweh ang Sanlibutan
1Ang daigdig ay wawasakin ni Yahweh,
sasalantain niya ang mga lupain at pangangalatin ang mga tao.
2Iisa ang sasapitin ng lahat—mamamayan at pari,
alipin at panginoon;
alila at may-ari ng bahay,
nagtitinda't namimili,
nangungutang at nagpapautang.
3Mawawasak ang daigdig at wala nang papakinabangin dito;
mangyayari ito sapagkat sinabi ni Yahweh.
4Matutuyo at malalanta ang lupa,
manghihina ang buong sanlibutan.
Ang langit at ang lupa ay mabubulok.
5Sinira na ang daigdig ng mga naninirahan dito
dahil sinuway nila ang katuruan ng Diyos;
at nilabag ang kanyang mga utos;
winasak nila ang walang hanggang tipan.
6Kaya susumpain ng Diyos ang daigdig,
at magdurusa ang mga tao dahil sa kanilang kasamaan,
mababawasan ang mga naninirahan sa lupa;
kaunti lamang ang matitira sa kanila.
7Mauubos ang alak,
malalanta ang ubasan,
ang mga nagsasaya'y daranas ng kalungkutan.
8Ang masayang tugtog ng tamburin ay hindi na maririnig;
titigil na ang ingay ng mga nagsasaya;
mapaparam ang masayang tunog ng alpa!
9Mawawala na rin ang pag-iinuman ng alak sa saliw ng awitan,
ang alak ay magiging mapait sa panlasa.
10Magulo ang lunsod na winasak;
ang pintuan ng bawat tahanan ay may harang upang walang makapasok.
11Sa mga lansangan ay sumisigaw sila dahil kulang ng alak,
nawala na ang kagalakan at nauwi sa kalungkutan;
lahat ng kasayahan ay napawi sa lupa.
12Naguho na ang buong lunsod,
ang pinto nito'y nagkadurug-durog.
13Ganyan din ang mangyayari sa lahat ng bansa sa buong daigdig;
parang puno ng olibo matapos lagasin ang bunga,
tulad ng ubasan matapos ang anihan.
14Silang nakaligtas ay aawit dahil sa kagalakan,
mula sa kanluran ay kanilang dadakilain si Yahweh.
15Pupurihin siya doon sa silangan,
at ipagbubunyi ang pangalan ni Yahweh,
ang Diyos ng Israel, sa baybayin ng dagat.
16May awit ng pagpupuring maririnig, maging sa pinakamalalayong dulo ng daigdig,
bilang papuri sa Diyos na Matuwid.
Ngunit ang sabi ko naman, “Nalulungkot ako.
Nasasayang lamang ang panahon. Wala na akong pag-asa.
Patuloy ang panlilinlang ng mga taksil.
Palala nang palala ang kanilang pagtataksil.”
17Mga tao sa daigdig, naghihintay sa inyo
ang matinding takot, malalim na hukay, at nakaumang na bitag.
18Sinumang tumakas dahil sa takot,
sa balong malalim, doon mahuhulog.
Pag-ahon sa balon na kinahulugan,
bitag ang siyang kasasadlakan.
Sapagkat mabubuksan ang durungawan ng langit,
at mauuga ang pundasyon ng daigdig.
19Ang daigdig ay tuluyang mawawasak,
sa lakas ng uga ito'y mabibiyak.
20Ang lupa'y tulad ng lasenggong pasuray-suray
at kubong maliit na hahapay-hapay,
sa bigat ng kasalanang kanyang tinataglay,
tiyak na babagsak ang sandaigdigan at hindi na babangon magpakailanman.
21Darating ang araw na paparusahan ni Yahweh
ang hukbo ng kasamaan sa himpapawid,
gayundin ang mga hari dito sa daigdig.
22Tulad ng mga bilanggo,
ihuhulog silang sama-sama sa isang malalim na balon;
ikukulong sila sa piitang bakal,
at paparusahan pagkaraan ng maraming araw.
23Mawawala ang liwanag ng araw at buwan,
at maghahari si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
sa Bundok ng Zion, at sa Jerusalem.
Doo'y mahahayag ang kanyang kaluwalhatian, sa harap ng mga pinuno ng bayan.

Kasalukuyang Napili:

Isaias 24: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya