Natisod ang mga Judio dahil hindi sila sumampalataya kay Cristo. Ibig bang sabihin, tuluyan na silang mapapahamak? Hindi! Pero dahil sa paglabag nila, nabigyan ng pagkakataon ang mga hindi Judio na maligtas. At dahil dito, maiinggit ang mga Judio. Ngayon, kung ang paglabag at pagkabigong ito ng mga Judio ay nagdulot ng malaking pagpapala sa mga hindi Judio sa buong mundo, gaano pa kaya kalaki ang pagpapalang maidudulot kung makumpleto na ang buong bilang ng mga Judio na sasampalataya kay Cristo.
Ngayon, ito naman ang sasabihin ko sa inyong mga hindi Judio: Ginawa akong apostol ng Dios para sa inyo, at ikinararangal ko ang tungkuling ito. Baka sakaling sa pamamagitan nito ay magawa kong inggitin ang mga kapwa ko Judio para sumampalataya ang ilan sa kanila at maligtas. Kung ang pagtakwil ng Dios sa mga Judio ang naging daan para makalapit sa kanya ang ibang mga tao sa mundo, hindi baʼt lalo pang malaking kabutihan ang maidudulot kung ang mga Judio ay muling tanggapin ng Dios? Sila ay para na ring muling binuhay.
Maihahambing natin ang mga Judio sa isang tinapay. Kung inihandog sa Dios ang bahagi ng tinapay, ganoon na rin ang buong tinapay. At kung inihandog sa Dios ang ugat ng isang puno, ganoon na rin ang mga sanga nito. Ang mga Judio ay tulad sa isang puno ng olibo na pinutol ang ilang mga sanga. At kayong mga hindi Judio ay tulad sa mga sanga ng ligaw na olibo na ikinabit bilang kapalit sa pinutol na mga sanga. Kaya nakabahagi kayo sa mga pagpapala ng Dios para sa mga Judio. Pero huwag kayong magmalaki na mas mabuti kayo sa mga sangang pinutol. Alalahanin ninyong mga sanga lang kayo; hindi kayo ang bumubuhay sa ugat kundi ang ugat ang bumubuhay sa inyo.
Maaaring sabihin ninyo, “Pinutol sila para maikabit kami.” Totoo iyan. Pinutol sila dahil hindi sila sumampalataya kay Cristo, at kayo naman ay ikinabit dahil sumampalataya kayo. Kaya huwag kayong magmataas, sa halip ay magkaroon kayo ng takot. Sapagkat kung nagawang putulin ng Dios ang mga likas na sanga, magagawa rin niya kayong putulin. Ditoʼy makikita natin ang kabutihan at kabagsikan ng Dios. Mabagsik siya sa mga nagkakasala, pero mabuti siya sa inyo kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Pero kung hindi, kayo man ay puputulin din. At kung hindi na magmamatigas ang mga Judio kundi sasampalataya, ikakabit din silang muli sa puno, dahil kaya itong gawin ng Dios. Sapagkat kung kayong mga sanga ng olibong ligaw ay naidugtong niya sa olibong inalagaan kahit na hindi ito kadalasang ginagawa, mas madaling idugtong muli ng Dios ang mga sangang pinutol mula sa dating puno.
Mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang isang katotohanan na ngayon ko lang ihahayag sa inyo, para hindi maging mataas ang tingin nʼyo sa inyong sarili. Ang pagmamatigas ng mga Judio ay hindi panghabang panahon. Itoʼy hanggang makumpleto lang ang kabuuang bilang ng mga hindi Judio na sasampalataya kay Cristo. Pagkatapos niyan, maliligtas ang buong Israel, gaya ng sinasabi sa Kasulatan,
“Magmumula sa Zion ang Tagapagligtas;
aalisin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob.
Gagawin ko ang kasunduang ito sa kanila sa araw na aalisin ko ang kanilang kasalanan.”
Dahil tinanggihan ng mga Judio ang Magandang Balita, naging kaaway sila ng Dios para kayong mga hindi Judio ay mabigyan ng pagkakataong maligtas. Pero kung ang pagpili ng Dios ang pag-uusapan, mahal pa rin sila ng Dios dahil sa kanilang mga ninuno. Sapagkat ang Dios ay hindi nagbabago ng isip sa kanyang pagpili at pagpapala. Dati, kayong mga hindi Judio ay suwail sa Dios, pero kinaawaan niya kayo dahil sa pagsuway ng mga Judio. Ganoon din naman, kaaawaan niya ang mga Judio sa kabila ng pagkasuwail nila, tulad ng ginawa niya sa inyo. Sapagkat hinayaan ng Dios na ang lahat ng tao ay maging alipin ng kasalanan para maipakita sa kanila ang kanyang awa.