Pagkatapos nito, nakita ko ang isang anghel na bumaba mula sa langit. Makapangyarihan ang anghel na ito at nagliwanag ang buong mundo dahil sa kanyang kaningningan. Sumigaw siya nang malakas, “Bumagsak na! Bumagsak na ang sikat na lungsod ng Babilonia. Tirahan na lang ito ngayon ng mga demonyo at masasamang espiritu, at mga kasuklam-suklam na ibon na itinuturing na marumi. Nangyari ito sa lungsod ng Babilonia dahil inakit nito ang mga tao sa buong mundo na sumunod sa imoralidad niya na kinamumuhian ng Dios. Ang mga hari sa mundo ay nakipagrelasyon sa kanya. At yumaman ang mga negosyante sa mundo, dahil sa kanila siya bumibili ng mga pangangailangan niya upang masunod ang bisyo at kalayawan niya.” Pagkatapos, may narinig akong isa pang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Kayong mga mamamayan ko, lumayo kayo sa kanya upang hindi kayo maging bahagi sa ginagawa niyang kasalanan, at upang hindi ninyo danasin ang parusang nakalaan sa kanya. Ang bunton ng kanyang kasalanan ay abot hanggang langit. At hindi na palalagpasin ng Dios ang kanyang kasamaan. Gawin ninyo sa kanya ang ginawa niyang masama sa inyo. Gumanti kayo nang doble sa kanyang ginawa. Kung ano ang ginawa niyang masama sa inyo doblehin ninyo at ibigay sa kanya. Kung paanong nagmataas siya at namuhay sa karangyaan at kalayawan, gantihan ninyo siya ng katumbas na kahirapan at kalungkutan. Sapagkat inakala niyang reyna siya at hindi makakaranas ng kalungkutan tulad ng mga biyuda. Dahil dito, sabay-sabay na darating sa kanya sa loob lang ng isang araw ang mga salot: mga sakit, kalungkutan, at gutom. Pagkatapos, susunugin siya, sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Dios na nagpaparusa sa kanya.”
Basahin Pahayag 18
Makinig sa Pahayag 18
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Pahayag 18:1-8
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas