Ang sinumang nananahan sa piling ng Kataas-taasang Dios na Makapangyarihan ay kakalingain niya. Masasabi niya sa PANGINOON, “Kayo ang kumakalinga sa akin at nagtatanggol. Kayo ang aking Dios na pinagtitiwalaan.” Tiyak na ililigtas ka niya sa bitag ng masasama at sa mga nakamamatay na salot. Iingatan ka niya gaya ng isang ibong iniingatan ang kanyang mga inakay sa lilim ng kanyang pakpak. Iingatan ka at ipagtatanggol ng kanyang katapatan. Hindi ka dapat matakot sa mga bagay na nakakatakot, o sa palaso ng mga kaaway, o sa sakit at mga salot na sumasapit sa gabi man o sa araw. Kahit libu-libo pa ang mamatay sa paligid mo, walang mangyayari sa iyo. Makikita mo kung paano pinaparusahan ang mga taong masama. Dahil ginawa mong kanlungan ang PANGINOON, ang Kataas-taasang Dios na aking tagapagtanggol, walang kasamaan, kalamidad o anumang salot ang darating sa iyo o sa iyong tahanan. Dahil uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel upang ingatan ka saan ka man magpunta. Bubuhatin ka nila upang hindi masugatan ang iyong mga paa sa bato. Tatapakan mo ang mga leon at mga makamandag na ahas. Sinabi ng Dios, “Ililigtas ko at iingatan ang umiibig at kumikilala sa akin. Kapag tumawag siya sa akin, sasagutin ko siya; sa oras ng kaguluhan, sasamahan ko siya. Ililigtas ko siya at pararangalan. Bibigyan ko siya ng mahabang buhay at ipapakita ko sa kanya ang aking pagliligtas.”
Basahin Salmo 91
Makinig sa Salmo 91
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Salmo 91:1-16
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas