Ngunit naawa pa rin ang Dios sa kanila, pinatawad ang mga kasalanan nila at hindi sila nilipol. Maraming beses niyang pinigil ang kanyang galit kahit napakatindi na ng kanyang poot. Naisip niyang mga tao lang sila, parang hangin na dumadaan at biglang nawawala. Madalas silang maghimagsik sa Dios doon sa ilang at pinalungkot nila siya. Paulit-ulit nilang sinubok ang Dios; ginalit nila ang Banal na Dios ng Israel. Kinalimutan nila ang kanyang kapangyarihan na ipinakita noong iniligtas niya sila mula sa kanilang mga kaaway, pati ang mga ginawa niyang mga himala at mga kahanga-hangang gawa roon sa Zoan sa lupain ng Egipto. Ginawa niyang dugo ang mga ilog sa Egipto, at dahil dito wala silang mainom. Nagpadala rin siya ng napakaraming langaw upang parusahan sila, at mga palaka upang pinsalain sila. Ipinakain niya sa mga balang ang kanilang mga pananim at mga ani. Sinira niya ang kanilang mga tanim na ubas at mga punong sikomoro sa pamamagitan ng pagpapaulan ng yelo. Pinagpapatay niya ang kanilang mga hayop sa pamamagitan ng kidlat at pag-ulan ng malalaking yelo. Dahil sa napakatinding poot at galit niya sa kanila, nagpadala rin siya ng mga anghel upang ipahamak sila. Hindi pinigilan ng Dios ang kanyang poot. Hindi niya sila iniligtas sa kamatayan. Sa halip ay pinatay sila sa pamamagitan ng mga salot. Pinatay niyang lahat ang mga panganay na lalaki sa Egipto na siyang lugar ng lahi ni Ham. Ngunit inilabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na katulad ng mga tupa at pinatnubayan sila na parang kanyang kawan sa ilang. Pinatnubayan niya sila, kaya hindi sila natakot. Ngunit ang mga kaaway nila ay nalunod sa dagat. Dinala sila ng Dios sa lupain na kanyang pinili, doon sa kabundukan na kinuha niya sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Itinaboy niya ang lahat ng naninirahan doon, at hinati-hati ang lupain sa mga lahi ng Israel para maging pag-aari nila at maging tirahan. Ngunit sinubok pa rin nila ang Kataas-taasang Dios, naghimagsik sila at hindi sumunod sa kanyang mga utos. Tumalikod sila sa Dios kagaya ng kanilang mga ninuno. Tulad sila ng isang sirang pana na hindi mapagkakatiwalaan. Pinanibugho nila ang Dios at ginalit dahil sa mga dios-diosan sa mga sambahan sa matataas na lugar. Alam ng Dios ang ginawa ng mga Israelita, kaya nagalit siya at itinakwil sila nang lubusan. Iniwanan niya ang kanyang tolda sa Shilo, kung saan siya nananahan dito sa mundo. Hinayaan niyang agawin ng mga kaaway ang Kahon ng Kasunduan na simbolo ng kanyang kapangyarihan at kadakilaan. Nagalit siya sa kanyang mga mamamayan kaya ipinapatay niya sila sa kanilang mga kaaway. Sinunog ang kanilang mga binata, kaya walang mapangasawa ang kanilang mga dalaga. Namatay sa labanan ang kanilang mga pari, at ang mga naiwan nilang asawa ay hindi makapagluksa. Pagkatapos, parang nagising ang Panginoon mula sa kanyang pagkakahimlay; at para siyang isang malakas na tao na pinatapang ng alak. Itinaboy niya at pinaatras ang kanyang mga kaaway; inilagay niya sila sa walang hanggang kahihiyan. Itinakwil niya ang lahi ni Jose, hindi rin niya pinili ang lahi ni Efraim. Sa halip ay pinili niya ang lahi ni Juda at ang bundok ng Zion na kanyang minamahal. Doon niya ipinatayo ang kanyang templo, katulad ng langit at lupa na matatag magpakailanman. Pinili ng Dios si David upang maging lingkod niya. Kinuha siya mula sa pagpapastol ng tupa at ginawang hari ng Israel, ang mga mamamayang kanyang hinirang. Katulad ng isang mabuting pastol, inalagaan niya ang mga Israelita nang may katapatan at mahusay silang pinamunuan.
Basahin Salmo 78
Makinig sa Salmo 78
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Salmo 78:38-72
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas