Mga kababayan, ang mga turo koʼy inyong pakinggan.
Tuturuan ko kayo sa pamamagitan ng kasaysayan.
Sasabihin ko sa inyo ang mga lihim na katotohanan ng nakaraan.
Napakinggan na natin ito at nalaman.
Sinabi ito sa atin ng ating mga ninuno.
Huwag natin itong ilihim sa ating mga anak;
sabihin din natin ito sa mga susunod na salinlahi.
Sabihin natin sa kanila ang kapangyarihan ng PANGINOON at ang mga kahanga-hanga niyang gawa.
Ibinigay niya ang kanyang mga kautusan sa mga mamamayan ng Israel na mula sa lahi ni Jacob.
Iniutos niya sa ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak,
upang malaman din ito ng mga susunod na lahi at nang ituro rin nila ito sa kanilang mga anak.
Sa ganitong paraan, magtitiwala sila sa Dios at hindi nila makakalimutan ang kanyang ginawa, at susundin nila ang kanyang mga utos,
upang hindi sila maging katulad ng kanilang mga ninuno na matitigas ang ulo, suwail, hindi lubos ang pagtitiwala sa Dios, at hindi tapat sa kanya.
Tulad ng mga taga-Efraim, bagamaʼt may mga pana sila,
pero sa oras naman ng labanan ay nagsisipag-atrasan.
Hindi nila sinunod ang kasunduan nila sa Dios,
maging ang kanyang mga utos.
Nakalimutan na nila ang mga kahanga-hanga niyang ginawa na ipinakita niya sa kanila.
Gumawa ang Dios ng mga himala roon sa Zoan sa lupain ng Egipto at nakita ito ng ating mga ninuno.
Hinawi niya ang dagat at pinadaan sila roon;
ginawa niyang tila magkabilang pader ang tubig.
Sa araw ay pinapatnubayan niya sila sa pamamagitan ng ulap,
at sa gabi naman ay sa pamamagitan ng liwanag ng apoy.
Biniyak niya ang mga bato sa ilang at dumaloy ang tubig at binigyan sila ng maraming inumin mula sa kailaliman ng lupa.
Pinalabas niya ang tubig mula sa bato at ang tubig ay umagos gaya ng ilog.
Ngunit ang ating mga ninuno ay patuloy na nagkasala sa kanya. Naghimagsik sila sa Kataas-taasang Dios doon sa ilang.
Sinadya nilang subukin ang Dios upang hingin ang mga pagkaing gusto nila.
Kinutya nila ang Dios nang sabihin nilang,
“Makakapaghanda ba ang Dios ng pagkain dito sa ilang?
Oo ngaʼt umagos ang tubig nang hampasin niya ang bato,
ngunit makapagbibigay din ba siya ng tinapay at karne sa atin?”
Kaya nang marinig ito ng PANGINOON nagalit siya sa kanila.
Nag-apoy sa galit ang PANGINOON laban sa lahi ni Jacob,
dahil wala silang pananampalataya sa kanya, at hindi sila nagtitiwala na ililigtas niya sila.
Ganoon pa man, iniutos niyang bumukas ang langit,
at pinaulanan sila ng pagkain na tinatawag na manna.
Ibinigay ito sa kanila upang kainin.
Kinain nila ang pagkain ng mga anghel, at binigyan sila nito ng Dios hanggaʼt gusto nila.
Pinaihip niya ang hangin mula sa silangan at sa timog sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Pinaulanan din sila ng napakaraming ibon, na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat.
Pinadapo niya ang mga ito sa palibot ng kanilang mga tolda sa kampo.
Kaya kumain sila hanggang sa mabusog, dahil ibinigay sa kanila ng Dios ang gusto nila.
Ngunit habang kumakain sila at nagpapakabusog,
nagalit ang Dios sa kanila.
Pinatay niya ang makikisig na mga kabataan ng Israel.
Sa kabila ng lahat ng ginawa ng Dios sa kanila,
nagpatuloy pa rin sila sa pagkakasala.
Kahit na gumawa siya ng mga himala,
hindi pa rin sila naniwala.
Kaya agad niyang winakasan ang buhay nila sa pamamagitan ng biglaang pagdating ng kapahamakan.
Nang patayin ng Dios ang ilan sa kanila,
ang mga natira ay lumapit na sa kanya,
nagsisi at nagbalik-loob sa kanya.
At naalala nila na ang Kataas-taasang Dios ang kanilang Bato na kanlungan at Tagapagligtas.
Nagpuri sila sa kanya, ngunit sa bibig lang, kaya sinungaling sila.
Hindi sila tapat sa kanya at sa kanilang kasunduan.