Bilang 1
1
Ang Unang Sensus sa Israel
1Noong unang araw ng ikalawang buwan, nang ikalawang taon mula nang lumabas ang mga Israelita sa Egipto, sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa Toldang Tipanan sa disyerto ng Sinai. Sabi niya, 2“Isensus ninyo ang buong mamamayan ng Israel ayon sa kanilang lahi at pamilya. Ilista ninyo ang pangalan ng lahat ng lalaki 3na may edad 20 taong gulang pataas na may kakayahan sa paglilingkod bilang sundalo. Kayong dalawa ni Aaron ang mamamahala sa sensus ng bawat lahi ng Israel. 4Tutulong sa inyo ang pinuno ng bawat lahi.” 5-15Ito ang pangalan ng mga taong tutulong sa inyo:
Lahi | Pinuno |
---|---|
Reuben | Elizur na anak ni Sedeur |
Simeon | Selumiel na anak ni Zurishadai |
Juda | Nashon na anak ni Aminadab |
Isacar | Netanel na anak ni Zuar |
Zebulun | Eliab na anak ni Helon |
Efraim na anak ni Jose | Elishama na anak ni Amihud |
Manase na anak ni Jose | Gamaliel na anak ni Pedazur |
Benjamin | Abidan na anak ni Gideoni |
Dan | Ahiezer na anak ni Amishadai |
Asher | Pagiel na anak ni Ocran |
Gad | Eliasaf na anak ni Deuel |
Naftali | Ahira na anak ni Enan. |
16Sila ang mga pinuno ng mga lahing pinili mula sa mga mamamayan ng Israel.
17-18Kasama ng mga pinunong ito, tinipon nina Moises at Aaron ang lahat ng mga Israelita nang araw ding iyon. Inilista nila ang lahat ng lalaking may edad na 20 taong gulang pataas, ayon sa kanilang lahi at pamilya. 19Inilista sila ni Moises doon sa disyerto ng Sinai, ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
20-43Ito ang bilang ng mga lalaking may edad 20 pataas na may kakayahan sa paglilingkod bilang sundalo, na nailista ayon sa kanilang lahi at pamilya:
Lahi | Bilang |
---|---|
Reuben (ang panganay ni Jacob#1:20-43 Jacob: sa Hebreo, Israel.) | 46,500 |
Simeon | 59,300 |
Gad | 45,650 |
Juda | 74,600 |
Isacar | 54,400 |
Zebulun | 57,400 |
Efraim na anak ni Jose | 40,500 |
Manase na anak ni Jose | 32,200 |
Benjamin | 35,400 |
Dan | 62,700 |
Asher | 41,500 |
Naftali | 53,400 |
44-45Sila ang mga lalaking nabilang nina Moises at Aaron at ng 12 pinuno ng Israel. Ang bawat isa sa kanila ay kumakatawan sa kani-kanilang pamilya. Sila ay 20 taong gulang pataas at may kakayahang maging sundalo ng Israel. 46Ang kabuuang bilang nila ay 603,550 lahat. 47Pero hindi kasama rito ang mga lahi ni Levi. 48Sapagkat sinabi ng Panginoon kay Moises, 49“Huwag ninyong isama ang lahi ni Levi sa sensus kasama ng ibang mga Israelita, na magsisilbi sa panahon ng labanan. 50Sa halip, ibigay sa kanila ang responsibilidad na pamahalaan ang Tolda na kinalalagyan ng aking mga utos at ng lahat ng kagamitan nito. Sila ang magdadala ng Tolda at ng lahat ng kagamitan nito, at kailangang pangalagaan nila ito at magkampo sila sa paligid nito. 51Kapag lilipat na ang Tolda, sila ang magliligpit nito. At kung itatayo naman, sila rin ang magtatayo nito. Ang sinumang gagawa ng ganitong gawain sa Tolda na hindi Levita ay papatayin. 52Magkakampo ang mga Israelita ayon sa bawat lahi nila, at may bandila ang bawat lahi. 53Pero ang mga Levita ay magkakampo sa paligid ng Tolda na kinalalagyan ng aking mga utos, para hindi ako magalit sa mga mamamayan ng Israel. Ang mga Levita ang responsable sa pangangalaga ng Tolda na kinalalagyan ng aking mga utos.”
54Ginawa itong lahat ng mga Israelita ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
Kasalukuyang Napili:
Bilang 1: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.