Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Leviticus 27

27
Ang Pagtubos ng mga Bagay na Inihandog sa Panginoon
1Inutusan ng Panginoon si Moises 2na sabihin ito sa mga Israelita:
Kung ang isang tao ay inihandog sa Panginoon bilang pagtupad sa isang panata, ang taong iyon ay maaari pang matubos sa panatang iyon, 3-7kung babayaran niya ng pilak, ang kanyang halaga ay kinakailangang ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari:
Sa edad na isang buwan hanggang apat na taon
lalaki: limang pirasong pilak
babae: tatlong pirasong pilak
Sa edad na lima hanggang 19 na taon
lalaki: 20 pirasong pilak
babae: sampung pirasong pilak
Sa edad na 20 hanggang 59 na taon
lalaki: 50 pirasong pilak
babae: 30 pirasong pilak
Sa edad na 60 taon pataas
lalaki: 15 pirasong pilak
babae: sampung pirasong pilak.
8Kung dukha ang nagpanata at hindi kayang magbayad ng nasabing halaga, dadalhin niya sa pari ang taong ipinanata niyang ihahandog sa Panginoon, at ang pari ang siyang magbibigay ng halaga ayon sa makakayanan ng tao.
9Kung ang panatang handog ay hayop na maaaring ihandog sa Panginoon, ang hayop na iyon ay sa Panginoon na. 10Iyon ay hindi na niya maaaring palitan kahit mas maganda pa ang kanyang ipapalit. Kapag pinalitan niya ito, ang hayop na kanyang ipinanata pati ang ipinalit ay parehong sa Panginoon na. 11Kung ang kanyang panatang hayop ay itinuturing na marumi at hindi maaaring ihandog sa Panginoon, dadalhin niya iyon sa pari. 12Titingnan iyon ng pari kung mabuti ba ito o hindi, at bibigyan niya ito ng halaga#27:12 bibigyan … halaga: Upang ito ay maipagbili at ang pera ay gagamitin sa Tolda o sa Toldang Tipanan. at hindi na maaaring baguhin pa. 13Kung babawiin ng may-ari ang hayop. Kinakailangang bayaran niya ang halaga ng hayop at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito.
14Kung bahay naman ang panatang handog sa Panginoon, titingnan muna ng pari ang nasabing bahay kung mabuti ba ito o hindi, at saka niya bibigyan ng halaga at hindi na maaaring baguhin pa. 15Kung babawiin ng may-ari ang kanyang bahay, kinakailangang bayaran niya ang halaga ng bahay at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito at saka ibabalik sa kanya ang bahay.
16Kung ang inihandog naman sa Panginoon ay bahagi ng lupaing minana sa kanyang mga magulang, itoʼy bibigyan ng halaga ng pari ayon sa dami ng binhing maaaring ihasik sa lupaing iyon: Sa bawat kalahating sako ng binhing maihahasik, ang halaga ng lupa ay 20 pirasong pilak. 17Kung ihahandog niya ang kanyang bukid pagkatapos ng Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, ganoon pa rin ang halaga nito. 18Pero kung sa bandang huli na niya ihahandog, bibigyan ito ng halaga ng pari ng mas mababa, batay sa dami ng taon na natitira hanggang sa susunod na Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 19Kung babawiin ng may-ari ang kanyang bukid, kinakailangang bayaran niya ang halaga ng bukid at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito. At saka ibabalik sa kanya ang bukid. 20Pero kung ipagbili niya ang bukid nang hindi pa niya natutubos, hindi na niya ito mababawi. 21At pagsapit ng Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, iyon ay sa Panginoon na, at hindi na niya mababawi pa. Iyon ay magiging pag-aari na ng mga pari.
22Kung ang inihandog naman ay lupang binili, 23itoʼy bibigyan ng halaga ng pari ayon sa dami ng natitirang taon bago dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. Dapat itong tubusin ng taong iyon. At ang halagang itinubos ay sa Panginoon na. 24Sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, ang nasabing lupain ay isasauli sa may-ari na nagbenta ng lupaing iyon.
25Ang lahat ng halaga ng mga ito na inihandog sa Panginoon ay kinakailangang ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari.
26Ang panganay na anak ng hayop ay sa Panginoon na, kaya itoʼy hindi na maaaring ihandog sa kanya. Ito ay sa Panginoon, maging baka man ito o tupa. 27Pero kung ang hayop ay itinuturing na marumi, iyon ay maaaring tubusin ng may-ari. Babayaran niya ang halaga ng hayop at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito. Pero kung iyon ay hindi tutubusin ng may-ari, ipagbibili iyon ng pari ayon sa itinakdang halaga.
28Ang anumang bagay na lubusang itinalaga#27:28 lubusang itinalaga: Ang ibig sabihin, ang anumang bagay na itinalaga sa Panginoon ay hindi na maaaring bawiin pa dahil itoʼy sa mga pari na magpakailanman. sa Panginoon ay hindi na maaaring ipagbili o tubusin maging itoʼy tao o hayop o lupaing minana dahil iyon ay sa Panginoon na. 29Ang taong lubusang inihandog sa Panginoon ay hindi na maaaring tubusin. Dapat siyang patayin.
30Ang ikasampung bahagi ng lahat ng ani ay sa Panginoon. 31Kung tutubusin ng sinuman ang ikasampung bahagi ng kanyang ani, kinakailangan niyang bayaran ang halaga at dadagdagan pa ng 20 porsiyento ng halaga nito. 32Kung bibilangin ninyo ang inyong mga baka, tupa, o kambing, lahat ng ikasampung bahagi ay ibibigay ninyo sa Panginoon. 33Hindi ninyo ito dapat piliin o palitan. Kung papalitan ninyo ito, ang inyong ipinalit na hayop at ang pinalitan nito ay parehong ilalaan sa Panginoon na at hindi na maaaring tubusin.
34Ito ang mga utos na ibinigay ng Panginoon kay Moises doon sa bundok ng Sinai para sa mga Israelita.

Kasalukuyang Napili:

Leviticus 27: ASND

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in