Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 13:1-15

Mateo 13:1-15 ASND

Nang araw ding iyon, lumabas ng bahay si Jesus at naupo sa tabi ng lawa. Napakaraming tao ang nagtipon sa paligid niya, kaya sumakay siya sa isang bangka at doon umupo, habang ang mga tao namaʼy nasa dalampasigan. Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga o paghahalintulad. Sinabi niya, “May isang magsasakang naghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga binhing iyon. May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar, kung saan walang gaanong lupa. Mabilis na tumubo ang binhi dahil mababaw ang lupa. Ngunit natuyo rin ito nang masikatan ng araw, at dahil hindi malalim ang ugat, namatay ito. May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na damo. Lumago ang mga damo at natakpan ang mga tumubong binhi. Ang iba namaʼy nahulog sa mabuting lupa, lumago at namunga. Ang ibaʼy napakarami ng bunga, ang ibaʼy marami-rami, at ang iba namaʼy katamtaman lang. Kayong mga nakikinig, dapat ninyo itong pag-isipan!” Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at nagtanong, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa pagtuturo sa mga tao?” Sumagot si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios, pero hindi ito ipinagkaloob sa iba. Sapagkat ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng higit na pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang kaunti niyang naunawaan ay kukunin pa sa kanya. Kaya nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga, dahil tumitingin sila pero hindi nakakakita, at nakikinig pero hindi naman nakakaunawa. Sa kanila natupad ang sinabi noon ni Isaias: ‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makakaunawa. Tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita. Dahil matigas ang puso ng mga taong ito. Tinakpan nila ang kanilang mga tainga, at ipinikit ang kanilang mga mata, dahil baka makakita sila at makarinig, at maunawaan nila kung ano ang tama, at magbalik-loob sila sa akin, at pagalingin ko sila.’

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mateo 13:1-15

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya