Lumapit kay Jesus ang isang tagapagturo ng Kautusan upang subukin siya. Nagtanong siya, “Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Jesus, “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?” Sumagot ang lalaki, “Mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip. At mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.” “Tama ang sagot mo,” sabi ni Jesus. “Gawin mo iyan at magkakaroon ka ng buhay na walang hanggan.”
Pero ayaw mapahiya ng tagapagturo, kaya nagtanong ulit siya, “At sino naman po ang kapwa ko?” Bilang sagot sa kanya, nagkwento si Jesus: “May isang taong papunta sa Jerico galing sa Jerusalem. Habang naglalakad siya, hinarang siya ng mga tulisan. Kinuha nila ang mga dala niya, pati na ang suot niya. Binugbog nila siya at iniwang halos patay na sa tabi ng daan. Nagkataong dumaan doon ang isang pari. Nang makita niya ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglalakad. Napadaan din ang isang Levita at nakita niya ang tao, pero lumihis din siya sa kabilang daan at nagpatuloy sa kanyang paglalakad. Pero may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nakita niya ang taong nakahandusay at naawa siya. Nilapitan niya ang lalaki, hinugasan ng alak ang sugat, binuhusan ng langis at saka binendahan. Pagkatapos, isinakay niya ang tao sa sinasakyan niyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan at inalagaan doon. Kinabukasan, binigyan ng Samaritano ng pera ang may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung kulang pa iyan sa magagastos mo ay babayaran kita pagbalik ko.’ ”
Nagtanong ngayon si Jesus sa tagapagturo ng Kautusan, “Sa palagay mo, sino sa tatlong ito ang nagpakita na siya ang tunay na kapwa-tao ng biktima ng mga tulisan?” Sumagot siya, “Ang tao pong nagpakita ng awa sa kanya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Lumakad ka at ganoon din ang gawin mo.”
Nagpatuloy si Jesus at ang mga tagasunod niya sa paglalakbay at dumating sila sa isang nayon. May isang babae roon na ang pangalan ay Marta. Malugod niyang tinanggap sina Jesus sa kanyang tahanan. Si Marta ay may kapatid na ang pangalan ay Maria. Naupo si Maria sa paanan ng Panginoon at nakinig sa itinuturo niya. Pero si Marta ay abalang-abala sa paghahanda niya, kaya lumapit siya kay Jesus at sinabi, “Panginoon, balewala po ba sa inyo na nakaupo lang diyan ang kapatid ko at hinahayaang ako ang gumawa ng lahat? Sabihin nʼyo naman po sa kanya na tulungan niya ako.” Pero sinagot siya ng Panginoon, “Marta, Marta, hindi ka mapalagay at abalang-abala ka sa maraming bagay. Ngunit isang bagay lang ang kailangan, at ito ang pinili ni Maria. Mas mabuti ito at walang makakakuha nito sa kanya.”