Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Isaias 6:3-13

Isaias 6:3-13 ASND

Sinasabi nila sa isaʼt isa: “Banal, Banal, Banal, ang PANGINOONG Makapangyarihan! Ang kapangyarihan niyaʼy sumasakop sa buong mundo.” Sa lakas ng tinig nila, nayanig ang mga pundasyon ng templo at napuno ng usok ang loob ng templo. Sinabi ko, “Nakakaawa ako! Tiyak na mapapahamak ako, dahil akoʼy may makasalanang labi at naninirahan ako sa piling ng mga taong makasalanan din ang mga labi. At ngayon, nakita ko ang Hari, ang PANGINOONG Makapangyarihan.” Pagkatapos, lumipad ang isa sa mga makalangit na nilalang papunta sa akin, may dala siyang baga na kinuha niya sa altar. Inilapat niya ang baga sa aking bibig at sinabi, “Hinipo nito ang iyong bibig, at wala ka nang kasalanan dahil pinatawad ka na.” Pagkatapos, narinig ko ang tinig ng Panginoon na nagsasabi, “Sino ang susuguin ko? Sino ang lalakad para sa amin?” Sumagot ako, “Narito po ako! Ako ang isugo ninyo.” Sinabi niya, “Umalis ka at sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel, ‘Makinig man kayo nang makinig ay hindi rin kayo makakaunawa. Tumingin man kayo nang tumingin, hindi rin kayo makakakita!’ ” Sinabi pa niya, “Patigasin mo ang puso ng mga taong ito. Hayaan mo silang magbingi-bingihan at magbulag-bulagan, dahil baka makarinig sila, makakita, at makaunawa. Dahil kung makaunawa sila, magbabalik-loob sila sa akin, at gagaling.” Nagtanong ako, “Panginoon, gaano katagal?” Sumagot siya, “Hanggang sa mawasak ang mga lungsod ng Israel at wala nang manirahan dito. Hanggang sa wala nang tumira sa mga bahay at ang lupain ay maging tiwangwang at wasak. Hanggang sa palayasin ko ang mga Israelita at ang lupain nila ay mapabayaan na. Kahit maiwan pa ang ikasampung bahagi ng mga Israelita sa lupain ng Israel, lilipulin pa rin sila. Pero may mga pinili akong matitira sa kanila. Ang katulad nilaʼy tuod ng pinutol na punong ensina.”