Isaias 6
6
Ang Pagkatawag kay Isaias
1Noong taon ng pagkamatay ni Haring Uzia, nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa napakataas na trono. Ang mahabang damit niya ay tumakip sa buong templo. 2May mga makalangit na nilalang#6:2 makalangit na nilalang: sa literal, serafim. sa gawing ulo niya. Ang bawat isa sa kanila ay may anim na pakpak: Ang dalawang pakpak ay nakatakip sa kanilang mukha, ang dalawa ay nakatakip sa kanilang paa, at ang dalawa ay ginagamit nila sa paglipad. 3Sinasabi nila sa isaʼt isa:
“Banal, Banal, Banal, ang Panginoong Makapangyarihan! Ang kapangyarihan niyaʼy sumasakop sa buong mundo.”
4Sa lakas ng tinig nila, nayanig ang mga pundasyon ng templo at napuno ng usok ang loob ng templo. 5Sinabi ko, “Nakakaawa ako! Tiyak na mapapahamak ako, dahil akoʼy may makasalanang labi at naninirahan ako sa piling ng mga taong makasalanan din ang mga labi. At ngayon, nakita ko ang Hari, ang Panginoong Makapangyarihan.”
6Pagkatapos, lumipad ang isa sa mga makalangit na nilalang papunta sa akin, may dala siyang baga na kinuha niya sa altar. 7Inilapat niya ang baga sa aking bibig at sinabi, “Hinipo nito ang iyong bibig, at wala ka nang kasalanan dahil pinatawad ka na.” 8Pagkatapos, narinig ko ang tinig ng Panginoon na nagsasabi, “Sino ang susuguin ko? Sino ang lalakad para sa amin?” Sumagot ako, “Narito po ako! Ako ang isugo ninyo.”
9Sinabi niya, “Umalis ka at sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel, ‘Makinig man kayo nang makinig ay hindi rin kayo makakaunawa. Tumingin man kayo nang tumingin, hindi rin kayo makakakita!’ ”
10 Sinabi pa niya, “Patigasin mo ang puso ng mga taong ito. Hayaan mo silang magbingi-bingihan at magbulag-bulagan, dahil baka makarinig sila, makakita, at makaunawa. Dahil kung makaunawa sila, magbabalik-loob sila sa akin, at gagaling.”
11Nagtanong ako, “Panginoon, gaano katagal?” Sumagot siya, “Hanggang sa mawasak ang mga lungsod ng Israel at wala nang manirahan dito. Hanggang sa wala nang tumira sa mga bahay at ang lupain ay maging tiwangwang at wasak. 12Hanggang sa palayasin ko ang mga Israelita at ang lupain nila ay mapabayaan na. 13Kahit maiwan pa ang ikasampung bahagi ng mga Israelita sa lupain ng Israel, lilipulin pa rin sila. Pero may mga pinili akong matitira sa kanila. Ang katulad nilaʼy tuod ng pinutol na punong ensina.”
Kasalukuyang Napili:
Isaias 6: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.