Sa lahat ng hayop na nilikha ng PANGINOONG Diyos, ang ahas ang pinakatuso. Minsan, tinanong ng ahas ang babae, “Totoo bang pinagbabawalan kayo ng Diyos na kumain ng bunga ng alinmang puno sa halamanan?” Sumagot ang babae, “Makakain namin ang kahit anong bunga ng puno rito sa halamanan, maliban lang sa bunga ng puno na nasa gitna ng halamanan. Sapagkat sinabi ng Diyos na hindi kami dapat kumain o humipo man lang ng bunga ng punong iyon. Kapag ginawa namin iyon, mamamatay kami.” Ngunit sinabi ng ahas, “Hindi totoong mamamatay kayo! Sinabi iyan ng Diyos dahil alam niya na kapag kumain kayo ng bungang iyon, mabubuksan ang mga isip ninyo, at magiging katulad niya kayo na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama.” Nang pagmasdan ng babae ang puno, napakaganda nitong tingnan at ang bunga nito ay nakakatakam. At dahil sa pagnanais niyang maging marunong, pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan din niya ang kanyang asawa na kasama niya, at kinain din ito. Pagkatapos nilang kumain, nalaman nila kung ano ang mabuti at ang masama, at napansin nila na hubad pala sila. Kaya pinagtagni-tagni nila ang mga dahon ng puno ng igos upang ipantakip sa kanilang katawan. Nang lumamig na ang hangin bandang hapon, narinig nila na naglalakad ang PANGINOONG Diyos sa halamanan. Kaya nagtago sila sa mga puno doon upang hindi sila makita. Ngunit tinawag ng PANGINOONG Diyos ang lalaki, “Nasaan ka?”
Basahin Genesis 3
Makinig sa Genesis 3
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Genesis 3:1-9
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas