Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Hari 17:7-13

2 Hari 17:7-13 ASND

Nangyari ito sa mga taga-Israel dahil nagkasala sila sa PANGINOON na kanilang Dios na naglabas sa kanila sa Egipto at nagpalaya mula sa kapangyarihan ng Faraon na hari ng Egipto. Sumamba sila sa mga dios-diosan at ginaya nila ang mga kasuklam-suklam na ginagawa ng mga bansang pinalayas ng PANGINOON sa pamamagitan nila. Sumunod din sila sa kasuklam-suklam na pamumuhay ng mga hari nila. Palihim din silang gumawa ng mga bagay na hindi nakalulugod sa PANGINOON na kanilang Dios. Gumawa rin sila ng mga sambahan sa matataas na lugar sa lahat ng bayan mula sa pinakamaliit na barangay hanggang sa malalaking napapaderang lungsod. Nagpatayo sila ng mga alaalang bato at mga posteng simbolo ng diosang si Ashera sa ibabaw ng bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Nagsunog sila ng mga insenso sa bawat sambahan sa matataas na lugar katulad ng ginagawa ng mga bansang pinalayas ng PANGINOON sa pamamagitan nila. Gumawa sila ng mga kasuklam-suklam na bagay na nakapagpagalit sa PANGINOON. Sumamba sila sa mga dios-diosan kahit na sinabi ng PANGINOON, “Huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan.” Paulit-ulit na nagpapadala ang PANGINOON ng mga propeta para bigyang babala ang Israel at ang Juda: “Itigil ninyo ang mga kasuklam-suklam ninyong ginagawa. Sundin ninyo ang mga utos ko at tuntunin ayon sa kautusan na iniutos ko sa inyong mga ninuno at ibinigay ko sa inyo sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta.”

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya