1 Hari 9
9
Nagpakita ang Panginoon kay Solomon
(2 Cro. 7:11-22)
1Nang matapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo, at ng iba pa na binalak niyang gawin, 2nagpakitang muli ang Panginoon sa kanya katulad ng ginawa niya noon sa Gibeon. 3Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Narinig ko ang panalangin at kahilingan mo sa akin. Ang templong ipinatayo mo ang pinili kong lugar kung saan ako pararangalan magpakailanman. Palagi ko itong babantayan at iingatan. 4At ikaw, kung mamumuhay kang tapat at matuwid sa aking harapan, katulad ng iyong ama na si David, at kung gagawin mo ang lahat ng ipinapagawa ko sa iyo at tutuparin ang aking mga tuntunin at mga utos, 5paghahariin ko sa Israel ang iyong mga angkan magpakailanman. Ipinangako ko ito sa iyong ama na si David nang sabihin ko sa kanya, ‘Laging magmumula sa angkan mo ang maghahari sa Israel.’ 6Pero kung tatalikod kayo o ang inyong mga angkan sa akin at hindi susunod sa aking mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo, at kung maglilingkod at sasamba kayo sa ibang mga dios, 7paaalisin ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo at itatakwil ko ang templong ito na hinirang kong lugar kung saan pararangalan ang aking pangalan. Pagkatapos, kukutyain at pagtatawanan ng lahat ng tao ang Israel. 8At kahit maganda at tanyag ang templong ito, sisirain ko ito. Magugulat at mamamangha ang lahat ng dumaraan dito at painsultong sasabihin, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupain at templong ito?’ 9Sasagot ang iba, ‘Dahil itinakwil nila ang Panginoon na kanilang Dios na naglabas sa kanilang mga ninuno sa Egipto at naglingkod sila at sumamba sa ibang mga dios. Iyan ang dahilan kung bakit pinadalhan sila ng Panginoon ng mga kapahamakan.’ ”
Ang Iba pang Naipatayo ni Solomon
(2 Cro. 8:1-18)
10Matapos na maipatayo ni Solomon ang dalawang gusali – ang templo ng Panginoon at ang palasyo sa loob ng 20 taon, 11ibinigay niya ang 20 bayan sa Galilea kay Haring Hiram ng Tyre. Ginawa niya ito dahil tinustusan siya ni Hiram ng lahat ng kahoy na sedro at sipres#9:11 sipres: o, “pine tree.” at ng ginto na kanyang kailangan. 12Pero nang pumunta si Hiram sa Galilea mula sa Tyre para tingnan ang mga bayan na ibinigay sa kanya ni Solomon, hindi siya nasiyahan dito. 13Sinabi niya kay Solomon “Aking kapatid, anong klaseng mga bayan itong ibinigay mo sa akin?” Tinawag ni Hiram ang lupaing iyon na Cabul,#9:13 Cabul: Maaaring ang ibig sabihin nito sa Hebreo, walang halaga. at ganito pa rin ang tawag dito hanggang ngayon. 14Nagpadala roon si Hiram kay Solomon ng limang toneladang ginto.
15Ito ang ulat tungkol sa sapilitang pagpapatrabaho ni Haring Solomon sa mga tao para maipatayo ang templo ng Panginoon at ang kanyang palasyo, sa pagpapatibay ng lupain sa bandang silangan ng lungsod, sa pagpapatibay ng pader ng Jerusalem, at sa pagpapatayong muli ng mga lungsod ng Hazor, Megido at Gezer. 16(Nilusob ang Gezer at inagaw ito ng Faraon na hari ng Egipto. Sinunog niya ito at pinagpapatay ang mga naninirahan dito na mga Cananeo. Ibinigay niya ang lungsod na ito sa kanyang anak na babae bilang regalo sa kasal nito kay Solomon. 17At ipinatayong muli ni Solomon ang Gezer.) Ipinatayo rin niya ang ibabang bahagi ng Bet Horon, 18ang Baalat, ang Tamar#9:18 Tamar: o, Tadmor. na nasa disyerto na sakop ng kanyang lupain, 19at ang lahat ng lungsod na imbakan ng kanyang mga pangangailangan, at mga karwahe at mga kabayo. Ipinatayo niya ang lahat ng ninanais niyang ipatayo sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng lupaing sakop niya.
20-21May mga tao pa na naiwan sa Israel na hindi mga Israelita. Sila ay mga lahi ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo, na hindi nalipol ng lubusan ng mga Israelita nang sakupin nila ang lupain ng Canaan. Ginawa silang alipin ni Solomon at pinilit na magtrabaho, at nananatili silang alipin hanggang ngayon. 22Pero hindi ginawang alipin ni Solomon ang sinumang Israelita. Sa halip, ginawa niya silang kanyang mga sundalo, mga opisyal, mga kapitan ng mga sundalo, mga kumander ng kanyang mga mangangarwahe at mga mangangabayo. 23Ang 550 sa kanila ay ginawa ni Solomon na mga opisyal na mamamahala sa mga manggagawa ng kanyang mga proyekto.
24Nang matapos na ang palasyo na ipinagawa ni Solomon para sa kanyang asawa, na anak ng Faraon, inilipat niya ito roon mula sa Lungsod ni David. Pagkatapos, pinatambakan niya ng lupa ang mababang bahagi ng lungsod.
25Tatlong beses sa bawat taon, nag-aalay si Solomon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon#9:25 handog para sa mabuting relasyon: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod. doon sa altar na ipinagawa niya para sa Panginoon. Nagsusunog din siya ng mga insenso sa presensya ng Panginoon.
Kaya natapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo.
26Nagpagawa rin si Solomon ng mga barko sa Ezion Geber, malapit sa Elat#9:26 Elat: Ito ang nasa tekstong Griego. Sa Hebreo, Elot. na sakop ng Edom, sa dalampasigan ng Dagat na Pula. 27Nagpadala si Hiram ng mga marino na bihasang mandaragat, kasama ng mga tauhan ni Solomon. 28Naglayag sila sa Ofir at bumalik sila na may dalang 15 toneladang ginto at dinala nila ito kay Haring Solomon.
Kasalukuyang Napili:
1 Hari 9: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.