1 Hari 10
10
Dumalaw ang Reyna ng Sheba kay Haring Solomon
(2 Cro. 9:1-12)
1Nang marinig ng reyna ng Sheba ang pagiging tanyag ni Solomon, na nakapagbigay ng karangalan sa Panginoon, pumunta siya kay Solomon para subukin ang karunungan nito sa pamamagitan ng mahihirap na tanong. 2Dumating siya sa Jerusalem na kasama ang marami niyang tauhan, at may dala siyang mga kamelyo na kargado ng mga regalo na mga pampalasa, napakaraming ginto at mamahaling mga bato. Nang makita niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng gusto niyang itanong. 3Sinagot ni Solomon ang lahat ng tanong niya at walang anumang bagay ang hindi niya naipaliwanag sa kanya. 4Nang mapatunayan ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon at nang makita niya ang ganda ng palasyo na ipinatayo nito, 5hindi siya makapaniwala. Ganoon din nang makita niya ang pagkain sa mesa ng hari, ang pamamahala ng kanyang mga opisyal, ang paglilingkod ng mga utusan na may magagandang uniporme, ang mga tagasilbi ng kanyang inumin at ang mga handog na sinusunog na inialay nito sa templo ng Panginoon.
6Sinabi niya sa hari, “Totoo nga ang nabalitaan ko sa aking bansa tungkol sa inyong mga gawa at karunungan. 7Hindi ako naniwala hanggang sa pumunta ako rito at nakita ko mismo. Ang totoo, wala sa kalahati ng nabalitaan ko tungkol sa inyo ang nakita ko. Ang karunungan at kayamanan nʼyo ay higit pa kaysa sa narinig ko. 8Napakapalad ng inyong mga tauhan! Napakapalad ng inyong mga opisyal na naglilingkod sa inyo dahil palagi nilang naririnig ang inyong karunungan. 9Purihin ang Panginoon na iyong Dios, na natutuwa sa inyo at naglagay sa inyo sa trono ng Israel. Dahil sa walang katapusang pag-ibig ng Panginoon sa Israel, ginawa niya kayong hari para mamuno kayo nang may katarungan at katuwiran.”
10Binigyan niya ang hari ng limang toneladang ginto, maraming sangkap at mga mamahaling bato. Hindi na mapapantayan ang dami ng sangkap na ibinigay ng reyna ng Sheba kay Haring Solomon.
11(May dala ring mga ginto ang mga barko ni Hiram, maraming kahoy na almug at mga mamahaling bato mula sa Ofir para kay Haring Solomon. 12Ang mga kahoy na almug ay ginamit ng hari upang gawing hagdan para sa templo ng Panginoon at sa palasyo, at ang iba ay ginawang mga alpa at mga lira para sa mga musikero. Iyon ang pinakamagandang kahoy na almug na ipinadala sa Israel; wala nang makikita na kagaya nito hanggang sa ngayon.#10:12 Iyon ang … sa ngayon: o, Wala nang hihigit pa sa dami ng kahoy na almug na dinala roon sa Israel; wala na ring makikitang kasindami noon ngayon.)
13Ibinigay ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang anumang hingin niya, bukod pa sa mga regalo na ibinigay ni Solomon sa kanya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna kasama ang mga tauhan niya.
Ang Kayamanan ni Solomon
(2 Cro. 9:13-28)
14Taun-taon tumatanggap si Solomon ng 23 toneladang ginto, 15bukod pa rito ang mga buwis na galing sa mga negosyante, sa lahat ng hari ng Arabia at sa mga gobernador ng Israel.
16Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan ng mga pitong#10:16 pitong: o, tatloʼt kalahating. kilong ginto. 17Nagpagawa rin siya ng 300 maliliit na pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan din ng ginto na mga tatlo at kalahating kilo. Pinalagay niya ang lahat ng ito sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon.
18Nagpagawa rin ang hari ng isang malaking trono na gawa sa mga pangil ng elepante at binalutan ito ng purong ginto. 19May anim na baitang ang tronong ito at pabilog ang sandalan. Sa magkabilang gilid nito na may patungan ng braso ay may estatwang leon na nakatayo. 20Mayroon ding estatwang leon sa bawat gilid ng baitang. Ang estatwang leon sa anim na baitang ay 12 lahat. Walang trono na katulad nito kahit saan mang kaharian. 21Ang lahat ng kopang inuman ni Haring Solomon ay purong ginto at ang lahat ng gamit sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon ay purong ginto rin. Hindi ginawa ang mga ito sa pilak dahil maliit lang ang halaga nito nang panahon ni Solomon. 22Si Solomon ay may mga barko rin na pangkalakal#10:22 mga barko rin na pangkalakal: sa Hebreo, mga barko ng Tarshish. na naglalayag kasama ng mga barko ni Hiram. Ang mga barkong itoʼy umuuwi isang beses sa tatlong taon, na may dalang mga ginto, pilak, pangil ng elepante at malalakiʼt maliliit na uri ng unggoy. 23Walang sinumang hari sa mundo na makakapantay sa karunungan at kayamanan ni Haring Solomon. 24Ang mga tao sa mundo ay naghahangad na makita si Solomon para mapakinggan ang karunungan na ibinigay ng Dios sa kanya. 25Taun-taon, ang bawat dumadalaw sa kanya ay may dalang mga regalo – mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, mga sandata, mga sangkap, mga kabayo at mga mola.#10:25 mola: sa Ingles, “mule.” Hayop na parang kabayo.
26Nakapagtipon si Solomon ng 14,000 mga karwahe at 12,000 kabayo. Inilagay niya ang iba nito sa mga lungsod na taguan ng kanyang mga karwahe, at ang ibaʼy doon sa Jerusalem. 27Nang panahong siya ang hari, ang pilak sa Jerusalem ay tulad lang ng mga pangkaraniwang bato, at ang kahoy na sedro ay parang kasindami ng mga pangkaraniwang puno ng sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran.#10:27 kaburulan sa kanluran: sa literal, Shefela. 28Ang mga kabayo ni Solomon ay galing pa sa Egipto#10:28 Egipto: o, Muzur, na isang lugar na malapit sa Cilicia. at sa Cilicia.#10:28 Cilicia: sa Hebreo, Kue. Maaaring isang pangalan ng Cilicia. Binili ito sa Cilicia ng kanyang mga tagabili sa tamang halaga. 29Nang panahong iyon, ang halaga ng karwahe na mula sa Egipto ay 600 pirasong pilak at ang kabayo ay 150 pirasong pilak. Ipinagbili rin nila ito sa lahat ng hari ng mga Heteo at mga Arameo.#10:29 Arameo: o, Sirianita.
Kasalukuyang Napili:
1 Hari 10: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.