Ipinatawag ni Haring Solomon sa Jerusalem ang mga tagapamahala ng Israel at ang lahat ng pinuno ng mga lahi at mga pamilya sa Israel para kunin ang Kahon ng Kasunduan ng PANGINOON mula sa Zion, ang Lungsod ni David. Pumunta silang lahat kay Haring Solomon noong panahon ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, noong buwan ng Etanim, na siyang ikapitong buwan. Nang magkatipon na ang lahat ng tagapamahala ng Israel, kinuha ng mga pari at ng mga Levita ang Kahon ng PANGINOON, pati ang Toldang Tipanan at ang mga banal na gamit nito at dinala nila ang lahat ng ito sa templo. Naghandog si Haring Solomon at ang buong mamamayan ng Israel sa harapan ng Kahon ng Kasunduan. Napakaraming tupa at baka ang kanilang inihandog, hindi ito mabilang dahil sa dami.
Pagkatapos, dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan ng PANGINOON sa lugar nito roon sa pinakaloob ng templo, sa Pinakabanal na Lugar, sa ilalim ng pakpak ng mga kerubin. Nakalukob ang pakpak ng mga kerubin, kaya natatakpan nito ang Kahon at ang mga hawakang pasanan nito. Itong mga hawakang pasanan ay mahaba, ang dulo nito ay kita sa Banal na Lugar, sa harapan ng pinakaloob ng templo, pero hindi ito makita sa labas ng Banal na Lugar. At naroon pa ito hanggang ngayon. Walang ibang laman ang Kahon maliban sa dalawang malalapad na bato na inilagay ni Moises noong nandoon siya sa Horeb, kung saan gumawa ng kasunduan ang PANGINOON sa mga Israelita pagkatapos nilang lumabas sa Egipto.
Nang lumabas ang mga pari sa Banal na Lugar, may ulap na bumalot sa templo ng PANGINOON. Hindi na makagawa ang mga pari sa kanilang gawain sa templo dahil sa ulap, dahil ang kapangyarihan ng PANGINOON ay bumalot sa kanyang templo.
At nanalangin si Solomon, “Sinabi nʼyo po PANGINOON na maninirahan kayo sa makapal na ulap. Ngayon, nagpatayo po ako ng kahanga-hangang na templo para sa inyo, na matatahanan nʼyo magpakailanman.”
Pagkatapos, humarap si Haring Solomon sa buong mamamayan ng Israel na nakatayo roon at binasbasan niya sila. Sinabi niya, “Purihin ang PANGINOON, ang Dios ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako sa aking ama na si David. Sinabi niya noon, ‘Mula nang panahon na inilabas ko ang mga mamamayan kong Israelita sa Egipto, hindi ako pumili ng lungsod sa kahit anong lahi ng Israel para pagtayuan ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. Ngunit pinili ko si David upang mamahala sa mga mamamayan kong Israelita.’
“Nasa puso ng aking amang si David na magtayo ng templo sa pagpaparangal sa PANGINOON, ang Dios ng Israel. Pero sinabi sa kanya ng PANGINOON, ‘Mabuti na naghahangad kang magpatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. Ngunit hindi ikaw ang magtatayo nito kundi ang sarili mong anak. Siya ang magtatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.’
“Tinupad ng PANGINOON ang kanyang ipinangako. Ako ang pumalit sa aking amang si David bilang hari ng Israel, ayon sa ipinangako ng PANGINOON. At ipinatayo ko ang templo para parangalan ang PANGINOON, ang Dios ng Israel. Nagpagawa ako ng lugar doon sa templo para sa Kahon, kung saan nakalagay ang Kasunduan ng PANGINOON, na kanyang ginawa sa ating mga ninuno nang inilabas niya sila sa Egipto.”