Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Hari 4:6-34

1 Hari 4:6-34 ASND

Si Ahisar ang tagapamahala ng palasyo. At si Adoniram na anak ni Abda, ang namamahala sa mga aliping sapilitang pinagtatrabaho. Mayroon ding 12 gobernador si Solomon sa mga distrito ng buong Israel. Sila ang nagbibigay ng pagkain sa hari at sa sambahayan niya. Bawat isa sa kanila ay nagbibigay ng pagkain sa isang buwan bawat taon. Ito ang kanilang mga pangalan: Si Ben Hur, na namamahala sa kabundukan ng Efraim. Si Ben Deker na namamahala sa Makaz, Saalbim, Bet Shemesh at sa Elon Bet Hanan. Si Ben Hesed na namamahala sa Arubot, kasama na rito ang Soco at ang buong lupain ng Hefer. Si Ben Abinadab na namamahala sa Nafat Dor. (Asawa siya ni Tafat na anak ni Solomon.) Si Baana na anak ni Ahilud, na namamahala sa Taanac, Megido, sa buong Bet Shan malapit sa Zaretan sa ibaba ng Jezreel at sa mga lugar na mula sa Bet Shan hanggang Abel Mehola at patawid sa Jokmeam. Si Ben Geber, na namamahala sa Ramot Gilead, kasama na rito ang mga bayan ni Jair na anak ni Manase, at sa mga distrito ng Argob sa Bashan, kasama na ang 60 malalaki at napapaderang bayan, na ang mga pintuan ay may tarangkahang tanso. Si Ahinadab na anak ni Iddo, na namamahala sa Mahanaim. Si Ahimaaz, na namamahala sa Naftali. (Asawa siya ni Basemat na anak ni Solomon.) Si Baana na anak ni Hushai, na namamahala sa Asher at sa Alot. Si Jehoshafat na anak ni Parua, na namamahala sa Isacar. Si Shimei na anak ni Ela, na namamahala sa Benjamin. Si Geber na anak ni Uri, na namamahala sa Gilead na sakop noon ni Sihon na hari ng mga Amoreo at ni Haring Og ng Bashan. Si Geber lang ang gobernador sa buong distritong ito. Ang bilang ng mga tao sa Juda at Israel ay tulad ng buhangin sa dalampasigan na hindi mabilang. Sagana sila sa pagkain at inumin, at masaya sila. Si Solomon ang namamahala sa lahat ng kaharian mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo, hanggang sa hangganan ng Egipto. Ang mga kahariang ito ay nagbabayad ng buwis kay Solomon at nagpapasakop sa kanya habang nabubuhay siya. Ito ang mga pagkaing kailangan ni Solomon sa kanyang palasyo bawat araw: 100 sako ng magandang klaseng harina, 200 sako ng ordinaryong harina, sampung pinatabang baka sa kulungan, 20 baka na galing sa pastulan, 100 tupa o kambing, hindi pa kasama ang ibaʼt ibang uri ng mga usa at magandang uri ng ibon at manok. Sakop ni Solomon ang buong lupain sa kanlurang Ilog ng Eufrates mula sa Tifsa hanggang sa Gaza. At maganda ang pakikitungo niya sa lahat ng bansa sa palibot niya. Kaya habang nabubuhay si Solomon, may kapayapaan sa Juda at sa Israel, mula Dan hanggang sa Beersheba. Ang bawat tao ay payapang nakaupo sa ilalim ng kanyang tanim na ubas at puno ng igos. May 40,000 kwadra si Solomon para sa kanyang mga kabayong pangkarwahe at may 12,000 siyang mangangabayo. Ang mga gobernador sa mga distrito ang nagbibigay ng pangangailangan ni Haring Solomon at ng lahat ng nasa palasyo. Ang bawat isa sa kanila ay may responsibilidad sa pagbibigay bawat buwan. Tinitiyak nilang maibibigay ang mga pangangailangan ni Solomon. Nagbibigay din sila ng sebada at dayami para sa mga kabayo. Dinadala nila ito sa lugar na dapat nitong pagdalhan sa oras na kailangan ito. Binigyan ng Dios si Solomon ng di-pangkaraniwang karunungan at pang-unawa, at kaalaman na hindi masukat. Ang kaalaman niya ay higit pa sa kaalaman ng lahat ng matatalino sa silangan at sa Egipto. Siya ang pinakamatalino sa lahat. Mas matalino pa siya kaysa kay Etan na Ezrano at sa mga anak ni Mahol na sina Heman, Calcol at Darda. At naging tanyag siya sa mga nakapaligid na bansa. Gumawa siya ng 3,000 kawikaan at 1,005 awit. Makapagsasabi siya ng tungkol sa lahat ng uri ng pananim, mula sa malalaking punongkahoy hanggang sa maliliit na pananim. Makapagsasabi rin siya tungkol sa lahat ng uri ng hayop na lumalakad, gumagapang, lumilipad, at lumalangoy. Nabalitaan ng lahat ng hari sa mundo ang karunungan ni Solomon, kaya nagpadala sila ng mga tao para makinig sa kanyang karunungan.