Abide | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng TaonSample
Ang Salita ng Diyos ay Tulad ng Hininga ng Buhay
Basahin ang Juan 6:54–63
“Pero ang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw. Sapagkat ang aking katawan ay tunay na pagkain at ang aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya. Ang Diyos Amang nagsugo sa akin ang pinagmumulan ng buhay, at dahil sa kanya ay nabubuhay ako. Ganoon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ako ang tinapay na mula sa langit. Hindi ito tulad ng ‘manna’ na kinain ng inyong mga ninuno, dahil namatay pa rin sila kahit kumain sila noon. Ngunit ang sinumang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito nang nangangaral siya sa sambahan ng mga Judio sa Capernaum. Nang marinig iyon ng mga tagasunod ni Jesus, marami sa kanila ang nagsabi, “Mabigat ang itinuturo niya. Sino ang makakatanggap nito?” Kahit na walang nagsabi sa kanya, alam ni Jesus na nagbubulung-bulungan ang mga tagasunod niya dahil sa mga itinuro niya. Kaya sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo matanggap ang mga sinabi ko? Paano pa kaya kung makita ninyo ako na Anak ng Tao na pumapaitaas pabalik sa aking pinanggalingan? Ang Banal na Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng tao. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay mula sa Espiritu at nakakapagbigay-buhay.”
Ang ipinakita ng pagpapakain ni Jesus ng 5000 na katao ay hindi lamang ang kapangyarihan ng Diyos na magkaloob ng pagkain, kundi pati na rin ang pangangailangan ng mga tao na makakain upang mabuhay. Ipinakita ni Jesus sa kanila na bagama’t ang iniisip nilang pangangailangan ay pisikal na pagkain, ang mas malaki nilang pangangailangan ay ang espirituwal na pagkain. Nagbigay ito ng pagkakataon kay Jesus upang ipakilala ang Kanyang sarili bilang tinapay na mula sa langit.
Sa kasamaang palad, dahil sa kakulangan nila ng espirituwal na pang-unawa, hindi naintindihan ng mga Judio ang ibig sabihin ni Jesus nang ipinahayag Niya na ang tinapay na ito ay ang Kanyang laman at dugo. Dahil dito, marami ang hindi na sumunod sa Kanya. Ngunit ipinaliwanag ng ating Panginoon na ginamit Niyang talinghaga ang pagpapakain ng Kanyang laman at pagpapainom ng Kanyang dugo upang iparating sa kanila ang uri ng ugnayan kung saan nananatili sa isa’t isa ang magkabilang panig at kakikitaan ng pag-asa o pagtitiwala sa Kanya. Tulad ng ganap na pagtitiwala ni Jesus sa Ama para sa buhay Niya noong narito Siya sa lupa, tayo rin ay makakaranas ng buhay na mula sa Diyos kapag nagtiwala at nanatili tayo sa Kanya.
Ipinaliwanag ni Jesus na walang naitutulong ang laman. Ipinarating Niya na ang limitasyon ng pisikal na buhay at pagkakabitag ng mga bagay na panandalian ay magiging hadlang sa pagkaunawa natin ng mga katuruan ni Jesus. Kabaligtaran nito, ang mga salita ni Jesus ay nagbibigay ng espirituwal na buhay, gaya ng nakasulat tungkol sa Anak sa Juan 3:34, Sapagkat si Cristo na sinugo ng Diyos ay nagpapahayag sa atin ng mga sinasabi ng Diyos, dahil lubos na ipinagkaloob sa kanya ang Banal na Espiritu.
Tulad nito, nakasaad sa Jeremias 15:16 na ang naging tugon ng propeta matapos ang paghahayag mula sa Panginoon ay, Noong nagsalita kayo sa akin, pinakinggan ko po kayo. Ang mga salita po ninyo ay kagalakan ko . . . ang halaga na ibinigay ni Jeremias sa salita ng Diyos ay gaya rin ng halagang ibinigay ni Jesus sa sarili Niyang salita, kung kaya’t ang pagkain ng katawan ni Cristo ay nangangahulugan ng pakikinig sa Kanyang salita.
Kabilang sa salita ng Diyos ang Kanyang kaisipan, damdamin, at mga plano para sa atin, gaya ng ipinapahayag sa Kasulatan. Ngunit ito ay hindi lamang nakasulat na salita. Tuwing binibigkas ang salita ng Diyos, ito ay nagbibigay-buhay. Ayon sa Mga Taga-Roma 10:17, Sasampalataya lang ang tao kung maririnig niya ang mensahe tungkol kay Cristo, at maririnig lang niya ito kung may mangangaral sa kanya. Ang pagpapahayag ng salita ng Diyos at pagbigkas ng Kasulatan bilang panalangin, gayundin ang ministeryo ng pangangaral at pagtuturo, ay makatutulong sa pagpapalago at pagpapanatili ng ating ugnayan sa Diyos.
Ang tugon natin sa Kanyang salita, gaya ng pagsisisi, pananampalataya, pagpupuri, pagsunod, pagpapatawad, pagsasakripisyo, at pagbibigay, AY NAGPAPADALOY NG KANYANG ESPIRITU UPANG PATULOY TAYONG MAIPANUMBALIK AT MAGBAGO, NA NAGIGING DAHILAN UPANG TAYO AY MAGING MABUNGA PARA SA KANYANG KAHARIAN.
1. Ano ang isang mahirap na katuruan na natutunan mo sa salita ng Diyos? Paano ka tumugon dito?
2. Aling bahagi ng buhay mo ang kailangang mabigyang buhay ng hininga ng Espiritu ng Diyos? Bakit hindi ito magagawa ng tao?
3. Binibigkas, ipinapahayag at ipinapangaral mo ba ang salita ng Diyos? Paano mo ito mas lalo pang magagawa simula ngayon?
“Ang Banal na Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng tao. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay mula sa Espiritu at nakakapagbigay-buhay.” JUAN 6:63
Ama sa langit, salamat po sa pagbibigay Ninyo ng buhay sa akin sa pamamagitan ng Inyong salita. Salamat dahil sa pamamagitan ng Inyong salita, mararanasan ko ang kabuuan ng Inyong pag-ibig at kasiyahan. Tulungan po Ninyo akong magpatuloy sa pananatili sa Inyong salita na Siyang nagbibigay ng lakas at sigla sa aking kaluluwa. Nawa’y mabigkas, maipahayag, at maipangaral ko ang Inyong salita sa bawat bahagi ng aking buhay. Sa pangalan ni Jesus, amen.
Scripture
About this Plan
Sa simula at kalagitnaan ng bawat taon, maglaan tayo ng panahon para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, magtalaga ng ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Ipinapakita ng Kanyang kamangha-manghang kadakilaan hindi lamang kung gaano Siya kalaki, kundi maging ang kakayahan Niyang magpakumbaba, at magpakababa nang mas mababa pa sa antas natin, upang tayo ay iligtas at paglingkuran.
More