Abide | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng TaonSample
Ang Salita ng Diyos ay Tulad ng Ulan
Basahin ang Isaias 55:10–11
Ang ulan at nyebe ay mula sa itaas, at hindi bumabalik doon hanggaʼt hindi muna nakapagbibigay ng tubig sa lupa at nakapagpapalago ng mga halaman para makapagbigay ng binhi at pagkain sa nagtatanim at sa mga tao. Ganyan din ang aking mga salita, hindi ito mawawalan ng kabuluhan. Isasakatuparan nito ang aking ninanais, at isasagawa ang aking layunin kung bakit ko ito ipinadala.
Karagdagang Babasahin: Isaias 55:1–9; Mga Hebreo 12:1–3
Ipinapakita ng Isaias 55 ang kalagayan ng mga Israelita matapos nilang talikuran ang Diyos. Nabihag sila, nasaktan at nawalan ng katiyakan para sa hinaharap. Ngunit dahil sa dakilang pag-ibig Niya para sa kanila, inanyayahan sila ng Diyos na bumalik sa Kanya. Nais Niyang makinig at manatili sila sa Kanya. Ipinaalala sa kanila ng Diyos na tanging sa Kanya lamang nila matatagpuan ang kapatawaran, kasiyahan, seguridad, at pagpapanumbalik. Tiniyak sa kanila ng Diyos na ipapahayag Niya ang Kanyang mga kaisipan at pamamaraan sa pamamagitan ng Kanyang salita.
Nakakatuwang isipin na inihambing ng Diyos ang Kanyang salita sa ulan, na hindi bumabalik sa kalangitan nang hindi nagagawa ang layunin nitong magbigay ng tubig sa lupa. Sa panahon ng tagtuyot, wala masyadong mga pananim ang tumutubo sa tuyo at tigang na lupa. Ngunit kapag umulan na, nagbabago ang tuyo at maalikabok na lupa at ito ay nagiging malago at saganang taniman. Nagsisimulang mamunga at lumaki ang mga halaman. Nagsisimulang lumabas ang buto sa bulaklak ng mga puno, na sa kalauna’y nagkakaroon ng mga bunga. Ang mga ito ang nagiging pagkain ng mga ibon at iba pang hayop na napapadpad dito dahil sa paghahanap ng masisilungan. Nagbubunga rin ng masaganang ani ang mga taniman para sa kasiyahan ng mga tao. Bagama’t nangangailangan ng mahaba-habang panahon bago mangyari ang lahat ng ito, hindi bumabalik ang ulan sa kalangitan nang hindi naibibigay ang tubig na siyang nagpapabago sa tuyong lupa at nagiging dahilan kung bakit ito nagiging isang malagong kapaligiran.
Tulad nito, ang salita ng Diyos ay hindi bumabalik sa Kanya nang hindi natutupad ang layunin nito. Ang salita Niya ang magpapalakas at magpapasaya ng ating kaluluwa, lalo na sa mga panahong ang buhay natin ay tila tuyo at walang bunga. Habang patuloy tayong tumutugon nang may pananampalataya sa pamamagitan ng paniniwala at pananatili sa Kanyang salita, ipanunumbalik at babaguhin ng Diyos ang ating buhay.
Ngunit maaaring may mga panahon na hindi kapansin-pansin ang pagbabago. Maaaring nararamdaman natin na hindi tayo lumalago at maaaring natutukso tayong balikan ang dati nating gawi o kaya ay maghanap ng mga kasagutan sa ibang lugar. Maaaring wala pa rin tayong kapanatagan at nakakaramdam pa rin tayo ng pagkabahala, at maaaring hindi natin magawang patawarin ang gumawa sa atin ng kamalian. Ngunit ang salita Niya ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na Siya ay kumikilos sa atin. Bagama’t maaaring maging mabilis ang pagbabagong-buhay, madalas ay nangangailangan ito ng isang mahabang proseso.
Dahil dito, habang naghihintay tayo, patuloy nating basahin, pag-isipan, paniwalaan, at sundin ang salita ng Diyos. Maaari tayong magkaroon ng katiyakan na tutuparin ng Kanyang salita ang Kanyang layunin sa atin habang nananatili tayo sa Kanya. Babaguhin tayo ng Kanyang salita, tutulungan tayong lumago at isapamuhay ang buhay na puno ng bunga na itinakda Niya para sa atin. Ang dati nating buhay na tuyo o walang sigla, walang kabuluhan, at hindi matuwid ay magbabago at kakikitaan ng pagiging tulad ni Cristo, hindi maipaliwanag na kaligayahan, ganap na kapayapaan, at nag-uumapaw na pag-ibig. Magagamit ng Diyos ang isang nagbagong buhay na tulad nito upang papurihan Siya at maipakita ang pag-ibig Niya sa iba.
Tutuparin ng salita ng Diyos ANG LAYUNIN NIYA SA ATIN.
1. Sa anong mga bagay ka nagtatangkang maghanap ng kasiyahan sa halip na kay Cristo? Mag-isip ng ilang praktikal na paraan upang talikuran ang mga ito at umasa sa Diyos lamang.
2. Sa anong mga bahagi ng buhay mo kailangang maranasan ang pagbabago? Sa palagay mo, paano ito mangyayari?
3. May mga bahagi ba sa buhay mo kung saan mas nagiging matagal ang pagbabago? Sa tingin mo, ano ang itinuturo sa iyo ng Diyos tungkol dito?
Ang ulan at nyebe ay mula sa itaas, at hindi bumabalik doon hanggaʼt hindi muna nakapagbibigay ng tubig sa lupa at nakapagpapalago ng mga halaman para makapagbigay ng binhi at pagkain sa nagtatanim at sa mga tao. Ganyan din ang aking mga salita, hindi ito mawawalan ng kabuluhan. Isasakatuparan nito ang aking ninanais, at isasagawa ang aking layunin kung bakit ko ito ipinadala. ISAIAS 55:10–11
Ama sa langit, salamat po sa salita Ninyong nagbibigay kasiyahan sa aking kaluluwa. Ipinangako Ninyo ang paglago ng bawat aspeto ng buhay ko habang patuloy akong nananatili sa Inyong salita. Bigyan po Ninyo ako ng kakayahang magtiyaga, dahil alam kong palalaguin at babaguhin Ninyo ang aking buhay ayon sa Inyong itinakdang panahon. Salamat po sa Inyong salita na hindi nabibigong tuparin ang Inyong layunin. Nawa’y makapagbigay sa Inyo ng papuri ang buhay ko at maipakita ko ang Inyong pagmamahal sa iba. Sa pangalan ni Jesus, amen.
Scripture
About this Plan
Sa simula at kalagitnaan ng bawat taon, maglaan tayo ng panahon para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, magtalaga ng ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Ipinapakita ng Kanyang kamangha-manghang kadakilaan hindi lamang kung gaano Siya kalaki, kundi maging ang kakayahan Niyang magpakumbaba, at magpakababa nang mas mababa pa sa antas natin, upang tayo ay iligtas at paglingkuran.
More