Mga Kawikaan 21
21
1Hawak ni Yahweh ang isip ng isang hari
at naibabaling niya ito kung saan igawi.
2Ang akala ng tao lahat ng kilos niya'y wasto,
ngunit si Yahweh lang ang nakakasaliksik ng puso.
3Higit na kalugud-lugod kay Yahweh kaysa mga handog
ang mga gawang makatuwiran at makatarungan.
4Ugaling mapangmata at pusong mapagyabang,
ito ang siyang gabay ng mga makasalanan.
5Ang mabuting pagbabalak ay pinapakinabangan,
ngunit ang dalus-dalos na paggawa'y walang kahihinatnan.
6Ang pagkakamal ng salapi dahil sa kadayaan
ay maghahatid sa maagang kamatayan.
7Ang masama'y ipinapahamak ng sariling karahasan,
pagkat ayaw gawin ang talagang katuwiran.
8Ang landas ng may sala ay paliku-liko,
ngunit ang lakad ng matuwid ay laging wasto.
9Masarap#Ecc. 25:16. pa ang tumira sa bubungan ng bahay
kaysa sa loob ng bahay na ang kasama'y asawang madaldal.
10Ang isip ng masama'y lagi sa kalikuan,
kahit na kanino'y walang pakundangan.
11Parusahan mo ang mangungutya at matututo ang mangmang,
pagsabihan mo ang matino, lalong lalawak ang kanyang kaalaman.
12Alam ng Diyos ang nangyayari sa loob ng bahay ng masama,
at siya'y gumagawa ng paraan upang sila'y mapariwara.
13Ang hindi pumapansin sa daing ng mahirap,
daraing din balang araw ngunit walang lilingap.
14Kung ang kapwa mo ay may hinanakit,
regaluhan mo nang palihim, mawawala ang galit.
15Kapag umiiral ang katarungan, natutuwa ang matuwid,
ngunit nalulungkot ang masama at may likong pag-iisip.
16Ang lumilihis sa daan ng kaalaman
ay hahantong sa kamatayan.
17Ang taong maluho at mahilig sa alak ay di yayaman,
bagkus sa hirap siya'y masasadlak.
18Ang masamang balak sa taong matuwid
ay babalik sa liko ang pag-iisip.
19Mas mabuti ang mag-isang manirahan sa ilang
kaysa makisama sa asawang madaldal at palaaway.
20Ang bahay ng matalino'y napupuno ng kayamanan,
ngunit lahat ay winawaldas ng taong mangmang.
21Ang lumalakad sa daan ng katuwiran at katapatan
ay nagkakamit ng buhay at karangalan.
22Ang matalinong pinuno ay makakapasok sa lunsod na may mga bantay,
at kanyang maiguguho ang inaasahan nilang muog na matibay.
23Ang pumipigil sa kanyang dila
ay umiiwas sa masama.
24Ang taong makasarili ay palalo at mapang-api.
25Gutom ang papatay sa taong batugan,
pagkat ayaw niyang ikilos ang kanyang mga kamay.
26Ang taong tamad ay nanghihingi araw-araw,
ngunit ang matuwid ay di nagsasawa ng kabibigay.
27Ang#Ecc. 7:9. handog ng masama ay kasuklam-suklam sa Diyos,
lalo't ang layunin nito ay di kalugud-lugod.
28Ang patotoo ng sinungaling ay di papakinggan,
ngunit ang salita ng tapat ay pahahalagahan.
29Alam ng matuwid ang kanyang hinaharap,
di tulad ng masama, nagkukunwa, nagpapanggap.
30Ang kaalaman ng tao, unawa o karunungan
ay di makatutulong kung si Yahweh ay kalaban.
31Ang kabayo'y naihahanda para sa digmaan,
ngunit tanging si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay.
Atualmente Selecionado:
Mga Kawikaan 21: RTPV05
Destaque
Compartilhar
Copiar
Quer salvar seus destaques em todos os seus dispositivos? Cadastre-se ou faça o login
© 2005 Philippine Bible Society