JUAN 2
2
Ang Kasalan sa Cana
1Nang ikatlong araw ay nagkaroon ng isang kasalan sa Cana ng Galilea at naroon ang ina ni Jesus.
2Inanyayahan din si Jesus at ang kanyang mga alagad sa kasalan.
3Nang magkulang ng alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Wala silang alak.”
4Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, anong kinalaman niyon sa akin at sa iyo? Ang aking oras ay hindi pa dumating.”
5Sinabi ng kanyang ina sa mga lingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”
6Doon ay mayroong anim na tapayang bato para sa kaugaliang paglilinis ng mga Judio na naglalaman ang bawat isa ng dalawa o tatlong bangang tubig.
7Sinabi sa kanila ni Jesus, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” Kanilang pinuno ang mga ito hanggang sa labi.
8Sinabi niya sa kanila, “Kumuha kayo ngayon, at inyong dalhin sa pinuno ng handaan.” At kanila ngang dinala.
9Nang matikman ng pinuno ng handaan ang tubig na naging alak, at hindi niya alam kung saan ito nanggaling (subalit nalalaman ng mga lingkod na kumuha ng tubig), tinawag ng pinuno ng handaan ang lalaking bagong kasal.
10At sinabi sa kanya, “Ang bawat tao ay unang naghahain ng mataas na uring alak, pagkatapos ay ang mababang uring alak kapag ang mga panauhin ay nakainom na. Subalit hanggang ngayon ay itinabi mo ang mabuting alak.”
11Ginawa ito ni Jesus, ang una sa kanyang mga tanda, sa Cana ng Galilea, at ipinahayag ang kanyang kaluwalhatian; at sumampalataya sa kanya ang kanyang mga alagad.
12Pagkatapos#Mt. 4:13 nito ay bumaba siya sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at ang kanyang mga alagad. Sila'y tumigil doon nang ilang araw.
Nilinis ni Jesus ang Templo
(Mt. 21:12, 13; Mc. 11:15-17; Lu. 19:45, 46)
13Malapit#Exo. 12:1-27 na noon ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon si Jesus patungo sa Jerusalem.
14Natagpuan niya sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa, mga kalapati, at ang mga nagpapalit ng salapi na nakaupo.
15Gumawa siya mula sa mga lubid ng isang panghagupit at itinaboy niya silang lahat papalabas sa templo kasama ang mga tupa at mga baka. Ibinuhos din niya ang salapi ng mga mamamalit, at itinaob ang kanilang mga mesa.
16Sa mga nagtitinda ng mga kalapati ay sinabi niya, “Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito; huwag ninyong gawing bahay-pamilihan ang bahay ng aking Ama.”
17Naalala#Awit 69:9 ng kanyang mga alagad na nasusulat, “Ang sigasig para sa iyong bahay ang tutupok sa akin.”
18Ang mga Judio ay sumagot sa kanya, “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin sa paggawa mo ng mga bagay na ito?”
19Sinagot#Mt. 26:61; 27:40; Mc. 14:58; 15:29 sila ni Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito at aking itatayo sa loob ng tatlong araw.”
20Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu't anim na taon ang pagtatayo ng templong ito, at itatayo mo sa loob ng tatlong araw?”
21Subalit siya'y nagsasalita tungkol sa templo ng kanyang katawan.
22Kaya't nang siya ay muling bumangon mula sa mga patay, naalala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito. At naniwala sila sa kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.
Alam ni Jesus ang Likas ng Tao
23Nang siya ay nasa Jerusalem nang kapistahan ng Paskuwa, marami ang sumampalataya sa kanyang pangalan, nang kanilang makita ang mga ginawa niyang tanda.
24Subalit hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila sapagkat kilala niya ang lahat ng mga tao,
25at hindi niya kailangan ang sinuman upang magpatotoo tungkol sa tao, sapagkat alam niya ang isinasaloob ng tao.
Pilihan Saat Ini:
JUAN 2: ABTAG01
Sorotan
Berbagi
Salin
Ingin menyimpan sorotan di semua perangkat Anda? Daftar atau masuk
©Philippine Bible Society, 2001