Abide: Prayer & Fasting FilipinoMuestra
Basahin ang Salmo 119:105–112
Ang salita nʼyo ay katulad ng ilaw na nagbibigay-liwanag sa aking dadaanan.
Salmo 119:105
Karagdagang Babasahin: Salmo 119:130
Ang Salmo 119 ay isang salmo na puno ng karunungan at nagbibigay ng kaliwanagan tungkol sa Salita ng Diyos—ang ganap na gabay para sa buhay. Sa ika-105 na talata, sinabi ng mang-aawit na ang Salita ng Diyos ay ilaw na nagbibigay-liwanag sa kanyang daraanan. Sa Sinaunang Malapit na Silangan, ang lampara ay isang maliit na mangkok na may tila pinisil na itaas na bahagi kung saan inilalagay ang mitsa. Pinupuno ng langis ang mangkok at sinisindihan ang mitsa. Ito ay nakapagbibigay ng sapat na ilaw upang magliwanag ang isang madilim na daan.
Sa ating pagsabak sa buhay, madalas tayong humaharap sa mga sitwasyon na higit pa sa kakayahan nating pagdaanan: mga desisyong kailangan nating gawin, mga mapaghamong sitwasyong kinakaharap natin, mga ideya at ideolohiyang nilalabanan natin. Sinusubukan nating alamin ang mga bagay nang mag-isa, subalit kung walang gabay, nadarapa tayo sa kadiliman. Kailangan natin ng maaasahang ilaw na magbibigay liwanag sa madilim na daanan sa ating harapan.
Sa Salita ng Diyos, makikita natin ang ating gabay. Sa 2 Timoteo 3:16, sinabi sa atin ni Pablo na ang buong Kasulatan ay isinulat sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Nangangahulugang ang lahat ng salita sa Bibliya ay mula sa Diyos. Mayroon bang tao sa buhay mo na labis na maaasahan kung kaya’t kapag may sinabi siya, pagkakatiwalaan mo ito nang walang pagdududa? Pinagkakatiwalaan mo siya dahil sa loob ng mahabang panahon, pinatunayan niya na siya ay mapagkakatiwalaan. Kung mapagkakatiwalaan natin ang mga salita ng isang tao, gaano pa natin dapat na mas pagkatiwalaan ang mga salita ng ating perpektong Diyos, na patuloy na nagpapatunay na Siya ay mabuti? Ang Salita ng Diyos ay isang mapagkakatiwalaan at maaasahang gabay dahil ang Diyos ay isang mapagkakatiwalaan at maaasahang gabay.
Maaaring sa kasalukuyan ay may kinakaharap kang sitwasyon na higit pa sa kakayahan mong pagdaanan—isang desisyon na kailangan mong gawin o kaya ay mapaghamong sitwasyon na kailangan mong tugunan. Ang Salita ng Diyos ay isang maliwanag na ilaw na magsisilbing gabay sa iyong madilim na daanan at magbibigay ng karunungan na kakailanganin mo. At hindi ka lamang bibigyan ng Salita ng Diyos ng karunungan, kundi huhubugin ka rin nito upang ikaw ay makapagbigay din ng Kanyang liwanag sa isang madilim na mundo.
Isipin ang isang panahon kung kailan binigyan ka ng Salita ng Diyos ng karunungan sa gitna ng isang mahirap na sitwasyon. Maglaan ng panahon upang pasalamatan Siya sa Kanyang patnubay.
Purihin ang Diyos dahil Siya ay mapagkakatiwalaan at maaasahan. May bahagi ba ng iyong buhay kung saan maaari kang mas magtiwala pa sa patnubay ng Salita ng Diyos?
Ang Salita ng Diyos ang GABAY NATIN.
Salmo 119:105
Ang salita nʼyo ay katulad ng ilaw na nagbibigay-liwanag sa aking dadaanan.
Manalangin
Ama namin sa langit, ibinigay Ninyo sa amin ang Inyong walang kamaliang Salita bilang gabay sa mundong puno ng kamalian. Dahil Kayo ay mabuti, mapagkakatiwalaan, nakakaalam ng lahat ng bagay, at puno ng kabaitan, magagawa kong sumandal sa Inyong patnubay sa lahat ng sitwasyong kakaharapin ko. Kayo ay may malasakit sa buhay ko at sa mga desisyong kailangan kong gawin. Ang Inyong Salita ay may kapangyarihang isaayos ang kaguluhan at magbigay ng liwanag sa kadiliman. Walang dahilan para matakot ako. Habang ibinabaon ko ang Inyong Salita sa aking puso, tulungan po Ninyo ako upang maipagpatuloy ko ang pagbabasa at pamumuhay nang naaayon sa sinasabi nito. AMEN
Escrituras
Acerca de este Plan
Sa simula ng bawat taon, naglalaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Ngayong taon, pagtutuunan natin ng pansin ang salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang Salita, nakikilala natin Siya at tayo ay nakakaranas ng pagbabago at nagkakaroon ng kakayahang mamuhay para sa Kanya.
More