Joel 2:12-32
Joel 2:12-32 RTPV05
“Gayunman,” sabi ni Yahweh, “mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin; mag-ayuno kayo, manangis at magdalamhati. Magsisi kayo nang taos sa puso, at hindi pakitang-tao lamang.” Magbalik-loob kayo kay Yahweh na inyong Diyos! Siya'y mahabagin at mapagmahal, hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig; laging handang magpatawad at hindi nagpaparusa sa nagsisisi. Maaaring lingapin kayong muli ni Yahweh na inyong Diyos at bigyan kayo ng masaganang ani. Kung magkagayon, mahahandugan ninyo siya ng handog na pagkaing butil at alak. Hipan ninyo ang trumpeta sa ibabaw ng Bundok ng Zion! Tipunin ninyo ang mga tao at ipag-utos ninyo na mag-ayuno ang lahat! Tawagin ninyo ang mga tao para sa isang banal na pagtitipon. Tipunin ninyo ang lahat, matatanda at bata, pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal. Mga pari, tumayo kayo sa pagitan ng altar at ng pasukan ng Templo, manangis kayo't manalangin nang ganito: “Mahabag ka sa iyong bayan, O Yahweh! Huwag mong hayaang kami'y hamakin at pagtawanan ng ibang mga bansa at tanungin, ‘Nasaan ang inyong Diyos?’” Pagkatapos, ipinakita niya ang malasakit niya sa lupain, at naawa siya sa kanyang bayan. Ganito ang kanyang tugon: “Bibigyan ko kayo ngayon ng butil, alak at langis, upang kayo'y mabusog. Hindi na kayo hahamakin ng ibang bansa. Paaalisin ko na ang mga hukbong waring buhat sa hilaga; itataboy ko ang iba sa disyerto. At ang mga pangunahing hanay nila ay itataboy ko naman sa dagat sa silangan; sa dagat sa hilaga naman ang nasa hulihan. Aalingasaw ang baho ng kanilang mga bangkay. Lilipulin ko sila dahil sa lahat ng ginawa nila sa inyo.” “Lupain, huwag kayong matakot; kayo ay magsaya't lubos na magalak dahil sa lahat ng ginawa ni Yahweh para sa inyo.” Mga hayop, huwag kayong matakot, luntian na ang mga pastulan. Namumunga na ang mga punongkahoy, hitik na sa bunga ang igos at ang ubas. “Magalak kayo, mga taga-Zion! Matuwa kayo dahil sa ginawa ni Yahweh na inyong Diyos. Pinaulan niya nang sapat sa taglagas, at gayundin sa taglamig; tulad ng dati, uulan din sa tagsibol. Mapupuno ng ani ang mga giikan; aapaw ang alak at langis sa mga pisaan. Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo nang pinsalain ng katakut-takot na balang ang inyong mga pananim. Ako ang nagpadala ng hukbong ito laban sa inyo. Magkakaroon kayo ngayon ng saganang pagkain at kayo'y mabubusog. Pupurihin ninyo si Yahweh na inyong Diyos, na gumawa ng mga kahanga-hangang bagay para sa inyo. Hindi na muli pang kukutyain ang aking bayan. Kaya nga malalaman ninyo na ako'y sumasainyo at akong si Yahweh lamang ang inyong Diyos. Hindi na muling hahamakin ang aking bayan. “Pagkatapos nito, ipagkakaloob ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao: ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki't babae ang aking mga mensahe. Magkakaroon ng mga panaginip ang inyong matatandang lalaki, at makakakita ng mga pangitain ang inyong mga kabataang lalaki. Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu maging sa mga alipin, lalaki man o babae. “Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa; dugo, apoy at makapal na usok. Ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay pupulang parang dugo bago dumating ang dakila at nakakatakot na araw ni Yahweh. At sa panahong iyon, ang lahat ng hihingi ng tulong kay Yahweh ay maliligtas. Gaya ng kanyang sinabi, may ilang makakatakas sa Bundok ng Zion at ang aking mga pinili'y makakaligtas sa Jerusalem.”