YouVersion Logo
Search Icon

Joel 2

2
Ang mga Balang na Babala sa Pagdating ng Araw ni Yahweh
1Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion
at ibigay ang hudyat sa banal na bundok ng Diyos.
Manginig kayong mga taga-Juda,
sapagkat malapit nang dumating ang araw ni Yahweh.
2Ito'y makulimlim at malungkot na araw,
madilim ang buong kapaligiran;
at lilitaw ang napakakapal na balang
tulad ng paglaganap ng dilim sa kabundukan.
Hindi pa nangyayari ang ganito nang mga nakaraang panahon,
at hindi na mangyayari pang muli maging sa darating na panahon.
3Nilalamon nilang tulad ng apoy ang mga halaman.
Parang halamanan ng Eden ang lupain bago sila dumating,
ngunit naging malungkot na ilang nang kanilang iwan;
wala silang itinira.
4Parang#Pah. 9:7-9. mga kabayo ang kanilang anyo,
waring mga kabayong pandigma kung sila'y tumakbo.
5Kapag dumaraan sila sa ibabaw ng mga bundok,
ang ingay nila ay parang rumaragasang karwahe,
parang tuyong damo na sinusunog.
Nakahanay sila, tulad ng isang hukbo na handang makipagdigma.
6Habang sila'y papalapit, nasisindak ang lahat;
namumutla sa takot ang bawat isa.
7Sumasalakay sila, gaya ng mga mandirigma;
inaakyat nila ang mga pader gaya ng mga kawal.
Walang lingun-lingon silang sumusugod.
Walang lumilihis sa landas na tinatahak.
8Lumulusot sila sa mga tanggulan
at walang makakapigil sa kanila.
9Sinasalakay nila ang lunsod,
inaakyat ang mga pader;
pinapasok ang mga bahay,
lumulusot sila sa mga bintana, gaya ng mga magnanakaw.
10Sa#Pah. 8:12. pagdaan nila'y nayayanig ang lupa;
at umuuga ang langit.
Nagdidilim ang araw at ang buwan,
at pati mga bitui'y ayaw nang magliwanag.
11Parang#Pah. 6:17. kulog ang tinig ni Yahweh, kung mag-utos sa kanyang hukbo.
Ang mga pangkat na tumatalima sa kanya
ay marami at malalakas.
Nakakapangilabot ang araw ni Yahweh!
Sino ang makakatagal dito?
Panawagan Upang Magsisi
12“Gayunman,” sabi ni Yahweh,
“mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin;
mag-ayuno kayo, manangis at magdalamhati.
13Magsisi kayo nang taos sa puso,
at hindi pakitang-tao lamang.”
Magbalik-loob kayo kay Yahweh na inyong Diyos!
Siya'y mahabagin at mapagmahal,
hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig;
laging handang magpatawad at hindi nagpaparusa sa nagsisisi.
14Maaaring lingapin kayong muli ni Yahweh na inyong Diyos
at bigyan kayo ng masaganang ani.
Kung magkagayon, mahahandugan ninyo siya ng handog na pagkaing butil at alak.
15Hipan ninyo ang trumpeta sa ibabaw ng Bundok ng Zion!
Tipunin ninyo ang mga tao at ipag-utos ninyo na mag-ayuno ang lahat!
16Tawagin ninyo ang mga tao
para sa isang banal na pagtitipon.
Tipunin ninyo ang lahat, matatanda at bata,
pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.
17Mga#1 Mcb. 7:36-38. pari, tumayo kayo
sa pagitan ng altar at ng pasukan ng Templo,
manangis kayo't manalangin nang ganito:
“Mahabag ka sa iyong bayan, O Yahweh!
Huwag mong hayaang kami'y hamakin at pagtawanan ng ibang mga bansa
at tanungin, ‘Nasaan ang inyong Diyos?’”
Pinanumbalik ng Diyos ang Kasaganaan sa Lupain
18Pagkatapos, ipinakita niya ang malasakit niya sa lupain,
at naawa siya sa kanyang bayan.
19Ganito ang kanyang tugon:
“Bibigyan ko kayo ngayon ng butil, alak at langis,
upang kayo'y mabusog.
Hindi na kayo hahamakin ng ibang bansa.
20Paaalisin ko na ang mga hukbong waring buhat sa hilaga;
itataboy ko ang iba sa disyerto.
At ang mga pangunahing hanay nila ay itataboy ko naman sa dagat sa silangan;
sa dagat sa hilaga naman ang nasa hulihan.
Aalingasaw ang baho ng kanilang mga bangkay.
Lilipulin ko sila dahil sa lahat ng ginawa nila sa inyo.”
21“Lupain, huwag kayong matakot;
kayo ay magsaya't lubos na magalak
dahil sa lahat ng ginawa ni Yahweh para sa inyo.”
22Mga hayop, huwag kayong matakot,
luntian na ang mga pastulan.
Namumunga na ang mga punongkahoy,
hitik na sa bunga ang igos at ang ubas.
23“Magalak kayo, mga taga-Zion!
Matuwa kayo dahil sa ginawa ni Yahweh na inyong Diyos.
Pinaulan niya nang sapat sa taglagas,
at gayundin sa taglamig;
tulad ng dati, uulan din sa tagsibol.
24Mapupuno ng ani ang mga giikan;
aapaw ang alak at langis sa mga pisaan.
25Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo
nang pinsalain ng katakut-takot na balang ang inyong mga pananim.
Ako ang nagpadala ng hukbong ito laban sa inyo.
26Magkakaroon kayo ngayon ng saganang pagkain at kayo'y mabubusog.
Pupurihin ninyo si Yahweh na inyong Diyos,
na gumawa ng mga kahanga-hangang bagay para sa inyo.
Hindi na muli pang kukutyain ang aking bayan.
27Kaya nga malalaman ninyo na ako'y sumasainyo
at akong si Yahweh lamang ang inyong Diyos.
Hindi na muling hahamakin ang aking bayan.
Ang Araw ni Yahweh at ang Kanyang Espiritu
28“Pagkatapos#Gw. 2:17-21. nito, ipagkakaloob ko ang aking Espiritu#1 ESPIRITU: o kaya'y kapangyarihan. sa lahat ng tao:
ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki't babae ang aking mga mensahe.
Magkakaroon ng mga panaginip ang inyong matatandang lalaki,
at makakakita ng mga pangitain ang inyong mga kabataang lalaki.
29Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu
maging sa mga alipin, lalaki man o babae.
30“Magpapakita ako ng mga kababalaghan
sa langit at sa lupa;
dugo, apoy at makapal na usok.
31Ang#Mt. 24:29; Mc. 13:24-25; Lu. 21:25; Pah. 6:12-13. araw ay magdidilim,
at ang buwan ay pupulang parang dugo
bago dumating ang dakila at nakakatakot na araw ni Yahweh.
32At#Ro. 10:13. sa panahong iyon, ang lahat ng hihingi ng tulong kay Yahweh ay maliligtas.
Gaya ng kanyang sinabi,
may ilang makakatakas sa Bundok ng Zion
at ang aking mga pinili'y makakaligtas sa Jerusalem.”

Currently Selected:

Joel 2: RTPV05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in