NEHEMIAS 9
9
Ipinahayag ng Bayan ang Kanilang mga Kasalanan
1Nang ikadalawampu't apat na araw ng buwang ito ang bayang Israel ay nagtipun-tipon na may pag-aayuno at nakasuot ng damit-sako, at may lupa sa mga ulo nila.
2Ang mga Israelita ay humiwalay sa lahat ng mga dayuhan, at nagtayo at nagpahayag ng kanilang mga kasalanan at ng mga kasamaan ng kanilang mga ninuno.
3Sila'y tumayo sa kanilang lugar at bumasa sa aklat ng kautusan ng Panginoon nilang Diyos sa loob ng isang ikaapat na bahagi ng araw; at sa ibang ikaapat na bahagi nito ay nagpahayag ng kasalanan at sumamba sa Panginoon nilang Diyos.
4Tumayo sa mga baytang ng mga Levita sina Jeshua, Bani, Cadmiel, Sebanias, Buni, Sherebias, Bani, at si Chenani at sumigaw nang malakas na tinig sa Panginoon nilang Diyos.
5Ang mga Levitang sina Jeshua, Cadmiel, Bani, Hashabneias, Sherebias, Hodias, Sebanias, at Petaya, ay nagsabi, “Tumayo kayo at purihin ang Panginoon ninyong Diyos mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan. Purihin ang iyong maluwalhating pangalan na nataas nang higit sa lahat ng pagpapala at pagpuri.”
6“Ikaw ang Panginoon, ikaw lamang. Ikaw ang gumawa ng langit, ng langit ng mga langit, pati ng lahat ng natatanaw roon, ng lupa at ng lahat na bagay na naroon, ng mga dagat at ng lahat na naroon, at pinananatili mo silang lahat; at ang hukbo ng langit ay sumasamba sa iyo.
7Ikaw#Gen. 11:31; 12:1; Gen. 17:5 ang Panginoon, ang Diyos na siyang pumili kay Abram at naglabas sa kanya sa Ur ng mga Caldeo, at nagbigay sa kanya ng pangalang Abraham.
8Natagpuan#Gen. 15:18-21 mong tapat ang kanyang puso sa harapan mo, at nakipagtipan ka sa kanya upang ibigay sa kanyang mga binhi ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo, at Gergeseo, at tinupad mo ang iyong pangako, sapagkat ikaw ay matuwid.
9“Iyong#Exo. 3:7; Exo. 14:10-12 nakita ang paghihirap ng aming mga ninuno sa Ehipto, at iyong pinakinggan ang kanilang daing sa tabi ng Dagat na Pula.
10Nagpakita#Exo. 7:8–12:32 ka ng mga tanda at mga kababalaghan laban kay Faraon at sa lahat niyang mga lingkod at sa lahat ng mga tao ng kanyang lupain, sapagkat iyong nalaman na sila'y gumawa na may kapalaluan laban sa aming mga ninuno at ikaw ay gumawa para sa iyo ng pangalan na nananatili hanggang sa araw na ito.
11Iyong#Exo. 14:21-29; Exo. 15:4, 5 hinawi ang dagat sa harapan nila, kaya't sila'y dumaan sa gitna ng dagat sa tuyong lupa. Ang mga humahabol sa kanila ay iyong itinapon sa mga kalaliman na gaya ng isang bato sa malalim na tubig.
12Sa#Exo. 13:21, 22 pamamagitan ng isang haliging ulap ay pinatnubayan mo sila sa araw, at sa pamamagitan ng isang haliging apoy sa gabi upang tumanglaw sa kanila sa daan na kanilang dapat lakaran.
13Ikaw#Exo. 19:18–23:33 ay bumaba sa bundok ng Sinai at nagsalita ka sa kanila mula sa langit, at binigyan mo sila ng mga matuwid na batas at mga tunay na kautusan, mabuting mga tuntunin at mga utos.
14Ipinakilala mo sa kanila ang iyong banal na Sabbath, at nag-utos ka sa kanila ng mga utos, at ng mga tuntunin at ng kautusan sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod.
15Binigyan#Exo. 16:4-15; Exo. 17:1-7; Deut. 1:21 mo sila ng tinapay mula sa langit para sa kanilang pagkagutom at nagpalabas ka ng tubig para sa kanila mula sa malaking bato para sa kanilang uhaw, at sinabi mo sa kanila na pumasok upang angkinin ang lupain na iyong ipinangakong ibibigay sa kanila.
16“Ngunit#Bil. 14:1-4; Deut. 1:26-33 sila at ang aming mga ninuno ay kumilos na may kapangahasan, at pinatigas ang kanilang leeg at hindi tinupad ang iyong mga utos.
17Ayaw#Exo. 34:6; Bil. 14:18 nilang sumunod, at hindi inalala ang mga kababalaghan na iyong ginawa sa gitna nila, kundi naging matigas ang kanilang ulo#9:17 Sa Hebreo ay leeg. at pumili ng isang pinuno upang bumalik sa kanilang pagkabihag sa Ehipto. Ngunit ikaw ay Diyos na handang magpatawad, mapagpala at mahabagin, hindi magagalitin, sagana sa tapat na pag-ibig, at hindi mo sila pinabayaan,
18maging#Exo. 32:1-4 nang sila'y gumawa ng isang guyang hinulma at magsabi, ‘Ito ang iyong Diyos na nag-ahon sa iyo mula sa Ehipto,’ at gumawa ng mabibigat na paglapastangan.
19Ikaw,#Deut. 8:2-4 sa iyong dakilang kaawaan ay hindi mo sila pinabayaan sa ilang. Ang haliging ulap na pumatnubay sa kanila sa daan ay hindi humiwalay sa kanila sa araw, maging ang haliging apoy man sa gabi na nagbigay ng liwanag sa kanila sa kanilang dapat lakaran.
20Ibinigay mo ang iyong mabuting Espiritu upang turuan sila, at hindi mo ipinagkait ang iyong manna mula sa kanilang bibig, at binigyan mo sila ng tubig para sa kanilang uhaw.
21Sa loob ng apatnapung taon ay inalalayan mo sila sa ilang, at hindi sila nagkulang ng anuman; ang kanilang mga suot ay hindi naluma, at ang kanilang mga paa ay hindi namaga.
22Binigyan#Bil. 21:21-35 mo sila ng mga kaharian at mga bayan, na iyong ibinahagi sa kanila ang bawat sulok; kaya't kanilang inangkin ang lupain ni Sihon, na hari ng Hesbon, at ang lupain ni Og na hari ng Basan.
23Pinarami#Gen. 15:5; 22:17; Jos. 3:14-17 mo ang kanilang mga anak gaya ng mga bituin sa langit, at dinala mo sila sa lupain na iyong sinabi sa kanilang mga ninuno na pasukin at angkinin.
24Kaya't#Jos. 11:23 ang taong-bayan ay pumasok at inangkin ang lupain. Iyong pinasuko sa harapan nila ang mga naninirahan sa lupain, ang mga Cananeo, at ibinigay mo sa kanilang mga kamay, pati ang kanilang mga hari at ang mga tao ng lupain, upang magawa nila sa kanila kung ano ang kanilang naisin.
25Kanilang#Deut. 6:10, 11 nasakop ang mga bayang nakukutaan at ang mayamang lupain, at inangkin ang mga bahay na punô ng lahat ng mabubuting bagay, ang mga balon na hinukay, mga ubasan, mga olibohan, mga punungkahoy na may bungang sagana; kaya't sila'y kumain, nabusog, tumaba, at nalugod sa iyong dakilang kabutihan.
26“Gayunma'y#Huk. 2:11-16 naging masuwayin sila at naghimagsik laban sa iyo, at tinalikuran ang iyong kautusan at pinatay ang iyong mga propeta na nagbabala sa kanila upang mapanumbalik sa iyo, at sila'y gumawa ng mabibigat na paglapastangan.
27Kaya't ibinigay mo sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, na siyang nagpahirap sa kanila. At sa panahon ng kanilang paghihirap ay dumaing sila sa iyo, at dininig mo sila mula sa langit; at ayon sa iyong dakilang kaawaan ay binigyan mo sila ng mga tagapagligtas na nagligtas sa kanila sa kamay ng kanilang mga kaaway.
28Ngunit pagkatapos na sila'y magkaroon ng kapahingahan, muli silang gumawa ng kasamaan sa harapan mo at iniwan mo sila sa kamay ng kanilang mga kaaway. Kaya't sila'y nagkaroon ng kapamahalaan sa kanila; ngunit nang sila'y manumbalik at dumaing sa iyo, iyong dininig mula sa langit at maraming ulit na iyong iniligtas sila ayon sa iyong mga kaawaan.
29At#Lev. 18:5 iyong binalaan sila upang maibalik sila sa iyong kautusan. Ngunit kumilos silang may kapangahasan, at hindi tinupad ang iyong mga utos, kundi nagkasala laban sa iyong mga batas, na kung tutuparin ito ng isang tao, siya'y mabubuhay, at iniurong ang balikat at pinatigas ang kanilang leeg at hindi sumunod.
30Maraming#2 Ha. 17:13-18; 2 Cro. 36:15, 16 taon mo silang tiniis, at nagbabala sa kanila ang iyong Espiritu sa pamamagitan ng iyong mga propeta, gayunma'y ayaw nilang makinig. Kaya't ibinigay mo sila sa kamay ng mga tao ng mga lupain.
31Gayunma'y sa iyong dakilang mga kaawaan ay hindi mo sila winakasan o tinalikuran man sila; sapagkat ikaw ay mapagpala at maawaing Diyos.
32“Kaya't#2 Ha. 15:19, 29; 17:3-6; Ezra 4:2, 10 ngayon, aming Diyos, ang dakila, makapangyarihan, at kasindak-sindak na Diyos, na nag-iingat ng tipan at ng tapat na pag-ibig, huwag mong ituring na munting bagay sa harapan mo ang hirap na dumating sa amin, sa aming mga hari, mga pinuno, mga pari, mga propeta, mga ninuno, at sa iyong buong bayan, mula sa panahon ng mga hari ng Asiria hanggang sa araw na ito.
33Gayunma'y naging makatarungan ka sa lahat ng sumapit sa amin; sapagkat kumilos kang may katapatan, ngunit kumilos kaming may kasamaan.
34Ang aming mga hari, mga pinuno, mga pari, at ang aming mga ninuno ay hindi sumunod sa iyong kautusan, o nakinig man sa iyong mga utos at sa iyong mga babala na iyong ibinigay sa kanila.
35Hindi sila naglingkod sa iyo sa kanilang kaharian, at sa iyong dakilang kabutihan na iyong ibinigay sa kanila, at sa malaki at mayamang lupain na iyong ibinigay sa harapan nila, at hindi sila humiwalay sa kanilang masasamang gawa.
36Narito kami, mga alipin sa araw na ito, sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga ninuno upang tamasahin ang bunga niyon, at ang mabubuting kaloob niyon. Narito, kami ay mga alipin.
37Ang kanyang mayamang bunga ay napupunta sa mga hari na iyong inilagay sa amin dahil sa aming mga kasalanan; may kapangyarihan din sila sa aming mga katawan at sa aming hayop ayon sa ikasisiya nila, at kami ay nasa malaking pagkabalisa.”
Lumagda ang Bayan sa Isang Kasunduan
38Dahil sa lahat ng ito, kami ay gumawa ng matibay na kasunduan at isinusulat ito, at ang aming mga pinuno, ang aming mga Levita, at ang aming mga pari ay naglagay ng kanilang tatak dito.
Currently Selected:
NEHEMIAS 9: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001