NEHEMIAS 8
8
Ang Kautusan ay Binasa ni Ezra sa Harap ng mga Tao
1Ang buong bayan ay nagtipun-tipon na parang isang tao sa liwasang-bayan na nasa harapan ng Pintuang Tubig. Kanilang sinabi kay Ezra na eskriba na dalhin ang aklat ng kautusan ni Moises na ibinigay ng Panginoon sa Israel.
2Dinala ng paring si Ezra ang aklat ng kautusan sa harapan ng kapulungan, na mga lalaki at mga babae, at sa lahat na makakarinig na may pang-unawa, nang unang araw ng ikapitong buwan.
3Siya'y bumasa mula roon sa harapan ng liwasan na nasa harapan ng Pintuang Tubig, mula sa madaling-araw hanggang sa katanghaliang-tapat sa harapan ng mga lalaki at mga babae at ng mga nakakaunawa; at ang mga pandinig ng buong bayan ay nakatuon sa pakikinig sa aklat ng kautusan.
4Si Ezra na eskriba ay tumayo sa pulpitong kahoy na kanilang ginawa para sa layuning ito. Sa tabi niya ay nakatayo sina Matithias, Shema, Anaias, Urias, Hilkias, at si Maasias ay nasa kanyang kanan. At sa kanyang kaliwa ay sina Pedaya, Misael, Malkia, Hasum, Hasbedana, Zacarias, at Mesulam.
5Binuksan ni Ezra ang aklat sa paningin ng buong bayan; (sapagkat siya'y nasa itaas ng buong bayan;) at nang ito'y kanyang buksan, ang buong bayan ay tumayo:
6Pinuri ni Ezra ang Panginoon, ang dakilang Diyos. At ang buong bayan ay sumagot, “Amen, Amen,” na nakataas ang kanilang mga kamay; at kanilang iniyukod ang kanilang mga ulo at sumamba sa Panginoon na ang kanilang mga mukha'y nakatungo sa lupa.
7Gayundin sina Jeshua, Bani, Sherebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maasias, Kelita, Azarias, Jozabed, Hanan, Pelaia, ang mga Levita ay tumulong sa taong-bayan upang maunawaan ang kautusan, samantalang ang taong-bayan ay nanatili sa kanilang kinatatayuan.
8Kaya't sila'y bumasa mula sa aklat, sa kautusan ng Diyos, na may pakahulugan. Kanilang ibinigay ang diwa, kaya't naunawaan ng mga tao ang binasa.
9Si Nehemias na tagapamahala, ang pari at eskribang si Ezra, at ang mga Levita na nagturo sa bayan ay nagsabi sa buong bayan, “Ang araw na ito ay banal sa Panginoon ninyong Diyos; huwag kayong tumangis, ni umiyak man.” Sapagkat ang buong bayan ay umiyak nang kanilang marinig ang mga salita ng kautusan.
10Pagkatapos ay kanyang sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa inyong lakad, kumain kayo ng masarap na pagkain at uminom kayo ng matamis na alak, at magpadala kayo ng mga bahagi sa mga walang naihanda, sapagkat ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon. Huwag kayong malungkot, sapagkat ang kagalakan sa Panginoon ang inyong kalakasan.”
11Sa gayo'y napatahimik ng mga Levita ang buong bayan, na sinasabi, “Kayo'y tumahimik, sapagkat ang araw na ito ay banal; huwag kayong malungkot.”
12Ang buong bayan ay humayo sa kanilang lakad upang kumain at uminom at magdala ng mga bahagi, at para gumawa ng malaking kasayahan, sapagkat kanilang naunawaan ang mga salitang ipinahayag sa kanila.
Ang Pista ng mga Kubol
13Sa ikalawang araw ay nagtipun-tipon ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng buong bayan kasama ang mga pari, at ang mga Levita kay Ezra na eskriba upang pag-aralan ang mga salita ng kautusan.
14Kanilang#Lev. 23:33-36, 39-43; Deut. 16:13-15 napag-alamang nakasulat sa kautusan na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na ang mga anak ni Israel ay manirahan sa mga kubol#8:14 o tabernakulo. sa kapistahan ng ikapitong buwan,
15at dapat nilang ibalita at ipahayag ang ganito sa lahat ng kanilang mga bayan at sa Jerusalem, “Lumabas kayo sa bundok at kumuha kayo ng mga sanga ng olibo, mga sanga ng olibong-ligaw, mirto, palma, at iba pang madahong punungkahoy upang gumawa ng mga kubol, gaya ng nakasulat.”
16Kaya't lumabas ang bayan at dinala ang mga iyon at gumawa ng mga kubol, bawat isa'y sa bubungan ng kanilang bahay, mga bulwagan, sa mga bulwagan ng bahay ng Diyos, sa liwasan sa Pintuang Tubig, at sa liwasan sa Pintuan ng Efraim.
17Ang buong kapulungan nang bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga kubol, at nanirahan sa mga kubol; sapagkat mula sa mga araw ni Josue na anak ni Nun hanggang sa araw na iyon ay hindi gumawa ang mga anak ni Israel ng gayon. Nagkaroon ng napakalaking kasayahan.
18At araw-araw, mula sa unang araw hanggang sa huling araw, siya ay bumasa mula sa aklat ng kautusan ng Diyos. Kanilang ipinagdiwang ang kapistahan sa loob ng pitong araw, at sa ikawalong araw ay nagkaroon ng isang taimtim na pagtitipon, ayon sa batas.
Currently Selected:
NEHEMIAS 8: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001