II MGA HARI 3
3
Digmaan ng Israel at Moab
1Nang ikalabingwalong taon ni Jehoshafat na hari ng Juda, si Jehoram na anak ni Ahab ay naging hari sa Israel sa Samaria, at siya ay naghari sa loob ng labindalawang taon.
2Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon; bagama't hindi gaya ng kanyang ama at ina, sapagkat kanyang inalis ang haligi ni Baal na ginawa ng kanyang ama.
3Gayunma'y kumapit siya sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y nagkasala ang Israel; hindi niya ito hiniwalayan.
4Si Mesha na hari ng Moab ay nagpapalahi ng mga tupa. Siya'y nagbubuwis sa hari ng Israel ng isandaang libong tupa, at ng balahibo ng isandaang libong kordero.
5Ngunit nang mamatay si Ahab, ang hari ng Moab ay naghimagsik laban sa hari ng Israel.
6Kaya't si Haring Jehoram ay lumabas sa Samaria nang panahong iyon, at tinipon ang buong Israel.
7Sa kanyang paghayo ay nagsugo siya kay Jehoshafat na hari ng Juda, na sinasabi, “Ang hari ng Moab ay naghimagsik laban sa akin. Sasama ka ba sa akin upang labanan ang Moab?” At kanyang sinabi, “Sasama ako; ako'y gaya mo, ang aking bayan ay parang iyong bayan, ang aking mga kabayo ay parang iyong mga kabayo.”
8At kanyang sinabi, “Saan tayo dadaan?” At siya'y sumagot, “Sa daan ng ilang ng Edom.”
9Kaya't humayo ang hari ng Israel kasama ang hari ng Juda, at ang hari ng Edom. Nang sila'y nakalibot ng pitong araw na paglalakbay, walang tubig para sa hukbo o para sa mga hayop na nagsisisunod sa kanila.
10At sinabi ng hari ng Israel, “Kahabag-habag tayo! Tinawag ng Panginoon ang tatlong haring ito upang ibigay sa kamay ng Moab.”
11Ngunit sinabi ni Jehoshafat, “Wala ba ritong propeta ng Panginoon upang tayo'y makasangguni sa Panginoon sa pamamagitan niya?” At isa sa mga lingkod ng hari ng Israel ay sumagot, “Si Eliseo na anak ni Shafat na siyang nagbuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias ay narito.”
12Sinabi ni Jehoshafat, “Ang salita ng Panginoon ay nasa kanya.” Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat, at ang hari ng Edom ay pumunta sa kanya.
13Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Anong pakialam ko sa iyo? Pumaroon ka sa mga propeta ng iyong ama at sa mga propeta ng iyong ina.” Ngunit sinabi ng hari ng Israel sa kanya, “Hindi; ang Panginoon ang tumawag sa tatlong haring ito upang ibigay sila sa kamay ng Moab.”
14Sinabi ni Eliseo, “Hanggang nabubuhay ang Panginoon ng mga hukbo, na aking pinaglilingkuran, kung hindi dahil sa paggalang ko kay Jehoshafat na hari ng Juda, hindi ako titingin sa iyo ni makikipagkita sa iyo.
15Ngunit ngayo'y dalhan ninyo ako ng isang manunugtog.” At nang ang manunugtog ay tumugtog, ang kapangyarihan ng Panginoon ay dumating sa kanya.
16At kanyang sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Punuin ninyo ang libis na ito ng mga hukay.’
17Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Kayo'y hindi makakakita ng hangin ni ng ulan; ngunit ang libis na iyon ay mapupuno ng tubig, at kayo'y makakainom, kayo at ang inyong mga baka, at ang inyong mga hayop.’
18Ito'y magaan lamang sa paningin ng Panginoon; ibibigay rin niya ang mga Moabita sa inyong kamay.
19Inyong masasakop ang bawat lunsod na may kuta, at ang bawat piling lunsod at inyong ibubuwal ang bawat mabuting punungkahoy, at inyong patitigilin ang lahat ng bukal ng tubig, at inyong sisirain ng mga bato ang bawat mabuting pirasong lupa.”
20Kinaumagahan, sa panahon ng paghahandog ng alay, dumating ang tubig mula sa dako ng Edom, hanggang sa ang buong lupain ay mapuno ng tubig.
21Nang mabalitaan ng lahat ng Moabita na ang mga hari ay umahon upang makipaglaban sa kanila, ang lahat na may kakayahang makapagsakbat ng sandata, mula sa pinakabata hanggang sa pinakamatanda ay pinalabas at inihanay sa hangganan.
22Kinaumagahan, nang sila'y maagang bumangon at ang araw ay sumikat na sa tubig, nakita ng mga Moabita na ang tubig sa tapat nila ay mapulang gaya ng dugo.
23At kanilang sinabi, “Ito'y dugo; ang mga hari ay naglabanan at nagpatayan sa isa't isa. Kaya't ngayon, Moab, sugod sa samsam!”
24Ngunit nang sila'y dumating sa kampo ng Israel, ang mga Israelita ay nagsitindig at sinalakay ang mga Moabita, hanggang sila'y tumakas sa harapan nila; at sila'y nagpatuloy sa lupain na pinapatay ang mga Moabita.
25Kanilang winasak ang mga lunsod at sa bawat mabuting bahagi ng lupain ay naghagis ang bawat tao ng bato, hanggang sa ito ay matabunan. Kanilang pinatigil ang lahat ng bukal ng tubig, at ibinuwal ang lahat ng mabuting punungkahoy, hanggang sa ang maiwan lamang ay ang mga bato sa Kir-hareseth at kinubkob at sinalakay iyon ng mga maninirador.
26Nang makita ng hari ng Moab na ang labanan ay nagiging masama para sa kanya, nagsama siya ng pitong daang lalaki na gumagamit ng tabak upang makalusot sa tapat ng hari ng Edom; ngunit hindi nila magawa.
27Nang magkagayo'y kinuha niya ang kanyang pinakamatandang anak na lalaki na maghahari sanang kapalit niya, at inihandog niya ito bilang handog na sinusunog sa ibabaw ng pader. At nagkaroon ng malaking poot laban sa Israel; kaya't kanilang iniwan siya, at bumalik sa kanilang sariling lupain.
Currently Selected:
II MGA HARI 3: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001